Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Dios ang Sumasaklolo
54 O Dios, iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at patunayan nʼyong wala akong kasalanan.
2 Dinggin nʼyo ang aking mga panalangin,
3 dahil sinasalakay ako ng mga dayuhan upang patayin. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
4 Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin.
Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.
5 Ibalik nʼyo sana sa aking mga kaaway ang ginagawa nilang masama.
O Dios, sa inyong pagkamatapat, lipulin nʼyo sila.
6 Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon.
Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
7 Iniligtas nʼyo ako sa lahat ng kahirapan,
at nakita kong natalo ang aking mga kaaway.
24 Lumapit si Zedekia kay Micaya at sinampal ito. Sinabi ni Zedekia, “Paano mong nasabi na ang Espiritu ng Panginoon ay umalis sa akin at nakipag-usap sa iyo?” 25 Sumagot si Micaya, “Malalaman nʼyo ito sa araw na matalo kayo sa labanan at magtago sa kaloob-loobang kwarto ng bahay.”
26 Nag-utos agad si Haring Ahab, “Dakpin nʼyo si Micaya at dalhin pabalik kay Ammon na pinuno ng lungsod at kay Joash na aking anak. 27 At sabihin nʼyo sa kanila na nag-utos ako na ikulong ang taong ito. Tinapay at tubig lang ang ibigay sa kanya hanggang sa makabalik akong ligtas mula sa labanan.”
28 Sinabi ni Micaya, “Kung makakabalik kayo nang ligtas, ang ibig sabihin hindi nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ko.” At sinabi ni Micaya sa lahat ng tao roon, “Tandaan nʼyo ang sinabi ko!”
Namatay si Ahab(A)
29 Kaya lumusob sa Ramot Gilead si Ahab na hari ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda. 30 Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, “Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, pero ikaw magsuot ka ng iyong damit panghari.” Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.
31 Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa 32 kumander ng kanyang mga mangangarwahe, “Huwag ninyong lusubin ang kahit sino, kundi ang hari lang ng Israel.” 32 Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Pero nang sumigaw si Jehoshafat, 33 nalaman ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel kaya huminto sila sa paghabol sa kanya.
34 Pero habang pinapana ng isang sundalong Arameo ang mga sundalo ng Israel, natamaan niya ang hari ng Israel sa pagitan ng kanyang panangga sa dibdib. Sinabi ni Haring Ahab sa nagdadala ng kanyang karwahe, “Ilayo mo ako sa labanan! Dahil nasugatan ako.” 35 Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ng Israel ay nakasandal na lang sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga Arameo. Dumaloy ang dugo niya sa karwahe, at namatay siya kinahapunan. 36 Nang papalubog na ang araw, may sumigaw sa mga sundalo ng Israel, “Ang bawat isa ay magsiuwi na sa kani-kanilang lugar!”
37 Nang mamatay ang hari ng Israel, dinala ang kanyang bangkay sa Samaria, at doon inilibing. 38 Hinugasan nila ang karwahe sa paliguan sa Samaria, kung saan naliligo ang mga babaeng bayaran, at ang dugo niya ay dinilaan ng mga aso. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon.
39 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ahab, at ang lahat ng ginawa niya, pati ang pagpapatayo niya ng magandang palasyo, at pagpapatibay ng mga lungsod ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 40 Nang mamatay si Ahab, ang anak niyang si Ahazia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Dios ay Maawain sa Lahat
25 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang isang katotohanan na ngayon ko lang ihahayag sa inyo, para hindi maging mataas ang tingin nʼyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng mga Judio ay hindi panghabang panahon. Itoʼy hanggang makumpleto lang ang kabuuang bilang ng mga hindi Judio na sasampalataya kay Cristo. 26 Pagkatapos niyan, maliligtas ang buong Israel,[a] gaya ng sinasabi sa Kasulatan,
“Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas;
aalisin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
27 Gagawin ko ang kasunduang ito sa kanila sa araw na aalisin ko ang kanilang kasalanan.”
28 Dahil tinanggihan ng mga Judio ang Magandang Balita, naging kaaway sila ng Dios para kayong mga hindi Judio ay mabigyan ng pagkakataong maligtas. Pero kung ang pagpili ng Dios ang pag-uusapan, mahal pa rin sila ng Dios dahil sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat ang Dios ay hindi nagbabago ng isip sa kanyang pagpili at pagpapala. 30 Dati, kayong mga hindi Judio ay suwail sa Dios, pero kinaawaan niya kayo dahil sa pagsuway ng mga Judio. 31 Ganoon din naman, kaaawaan niya ang mga Judio sa kabila ng pagkasuwail nila, tulad ng ginawa niya sa inyo. 32 Sapagkat hinayaan ng Dios na ang lahat ng tao ay maging alipin ng kasalanan para maipakita sa kanila ang kanyang awa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®