Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 38:10-20

10 Akala koʼy mamamatay na ako sa panahon ng aking kabataan, at mananatili sa lugar ng mga patay. 11 Akala koʼy hindi ko na makikita ang Panginoon dito sa mundo ng mga buhay o hindi ko na makikita ang mga tao rito sa mundo. 12 Muntik nang nawala ang buhay ko na parang tolda ng mga pastol ng mga tupa na iniligpit. Ang akala koʼy mapuputol na ang buhay ko na parang telang puputulin na sa habihan. Mula sa umaga hanggang gabi ay inaakala kong wawakasan mo na ang buhay ko. 13 Buong pagpapakumbaba akong naghintay hanggang umaga sa pag-aakalang mamamatay na ako. Parang nilalansag ng leon ang aking mga buto kaya akala koʼy wawakasan mo na ang buhay ko. 14 Humingi ako ng tulong hanggang sa ang tinig koʼy para nang huni ng langay-langayan o ng tagak. Dumaing ako na parang tinig na ng kalapati. Ang mga mata koʼy pagod na rin ng katititig sa itaas. Panginoon, tulungan nʼyo po ako sa kahirapang ito.

15 Pero ano pa ang masasabi ko? Sapagkat sinagot niya ako at pinagaling. Mamumuhay ako nang may kapakumbabaan dahil sa mapait kong karanasan.

16 Panginoon, sa ginawa nʼyo pong ito, mapapalakas nʼyo ang loob ng tao, at ako mismo napalakas ninyo. Pinagaling nʼyo ako at pinayagan pang mabuhay. 17 Totoong ang mga kahirapang aking tiniis ay para rin sa aking kabutihan. Dahil sa pag-ibig nʼyo, iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan at pinatawad nʼyo ang aking mga kasalanan. 18 Sapagkat papaano pa akong makakapagpuri sa inyo kung patay na ako? Ang mga patay ay hindi makakapagpuri sa inyo o makakaasa man sa inyong katapatan. 19 Ang mga buhay lamang ang makakapagpuri sa inyo katulad ng ginagawa ko ngayon. Ang bawat henerasyon ay magpapahayag sa susunod na henerasyon tungkol sa inyong katapatan. 20 Panginoon, iniligtas nʼyo po ako, kaya sa saliw ng tugtog, aawit kami sa inyong templo habang kami ay nabubuhay.

Hukom 15:9-20

Nagkampo ang mga Filisteo sa Juda, at nilusob nila ang bayan ng Lehi. 10 Kaya nagtanong sa kanila ang mga taga-Juda, “Bakit nilulusob nʼyo kami?” Sumagot sila, “Para dakpin si Samson at gantihan sa mga ginawa niya sa amin.” 11 Kaya ang 3,000 lalaki ng Juda ay pumunta sa kweba, sa may bangin ng Etam, at sinabi nila kay Samson, “Hindi mo ba naisip na sakop tayo ng mga Filisteo? Ngayon pati kami ay nadamay sa ginawa mo.” Sumagot si Samson, “Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin.” 12 Sinabi nila, “Pumunta kami rito para dakpin ka at ibigay sa mga Filisteo.” Sumagot si Samson, “Payag ako, basta mangako kayo sa akin na hindi nʼyo ako papatayin.” 13 Sinabi nila, “Oo, hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya iginapos nila siya ng dalawang bagong lubid at dinala palabas sa kweba.

14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng mga Filisteo na sumisigaw sa pagtatagumpay. Pinalakas ng kapangyarihan ng Espiritu ng Panginoon si Samson, at pinagputol-putol niya ang lubid na parang sinulid lang. 15 Pagkatapos, may nakita siyang panga ng asnong kamamatay pa lang. Kinuha niya ito at ginamit sa pagpatay sa 1,000 Filisteo. 16 Sinabi ni Samson,

“Sa pamamagitan ng panga ng asno,
pinatay ko ang 1,000 tao.
Sa pamamagitan ng panga ng asno,
itinumpok ko sila.”

17 Pagkatapos niyang magsalita, itinapon niya ang panga ng asno. Ang lugar na iyon ay tinawag na Ramat Lehi.[a]

18 Labis ang pagkauhaw ni Samson. Kaya tumawag siya sa Panginoon. Sinabi niya, “Pinagtagumpay nʼyo po ako, pero ngayon parang mamamatay na ako sa uhaw at mabibihag ng mga Filisteo na hindi nakakakilala sa inyo.”[b] 19 Kaya pinalabas ng Dios ang tubig sa may butas ng lupa sa Lehi. Uminom si Samson at bumalik ang kanyang lakas. Ang bukal na itoʼy tinatawag na En Hakore.[c] Naroon pa ito sa Lehi hanggang ngayon.

20 Pinamunuan ni Samson ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Nang panahong iyon, sakop pa rin ng mga Filisteo ang kanilang lupain.

Mateo 17:14-21

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)

14 Pagbalik nina Jesus sa kinaroroonan ng maraming tao, lumapit sa kanya ang isang lalaki, lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, 15 “Panginoon, maawa po kayo sa anak kong lalaki. May epilepsya siya at grabe ang paghihirap niya kapag sinusumpong. Madalas siyang matumba sa apoy at madalas din siyang mahulog sa tubig. 16 Dinala ko siya sa mga tagasunod nʼyo, pero hindi po nila mapagaling.” 17 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 18 Sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at lumabas ito sa bata. At gumaling ang bata noon din.

19 Nang sila-sila na lang, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 20 Sumagot si Jesus, “Dahil mahina ang pananampalataya ninyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo na kahit kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at lilipat nga ito. Walang bagay na hindi ninyo magagawa.” 21 [Ngunit ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®