Revised Common Lectionary (Complementary)
9 Dahil ginawa mong kanlungan ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios na aking tagapagtanggol,
10 walang kasamaan, kalamidad o anumang salot ang darating sa iyo o sa iyong tahanan.
11 Dahil uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel upang ingatan ka saan ka man magpunta.
12 Bubuhatin ka nila upang hindi masugatan ang iyong mga paa sa bato.[a]
13 Tatapakan mo ang mga leon at mga makamandag na ahas.
14 Sinabi ng Dios, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin.
15 Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya;
sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya.
Ililigtas ko siya at pararangalan.
16 Bibigyan ko siya ng mahabang buhay at ipapakita ko sa kanya ang aking pagliligtas.”
Ang Pagbagsak ng Babilonia
47 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, mauupo ka sa lupa. Mauupo ka ng walang trono. Ikaw na parang birheng pihikan at mahinhin noon pero hindi na ngayon. 2 Isa ka nang alipin ngayon, kaya kumuha ka ng batong gilingan at maggiling ka na ng trigo. Alisin mo na ang belo mo, at itaas ang damit mo para makita ang iyong hita habang tumatawid ka sa ilog. 3 Lalabas ang iyong kahubaran at mapapahiya ka. Maghihiganti ako sa iyo at hindi kita kaaawaan.” 4 Ang ating Tagapagligtas, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan ay ang Banal na Dios ng Israel.
5 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, maupo ka nang tahimik doon sa dilim. Hindi ka na tatawaging reyna ng mga kaharian. 6 Nagalit ako sa aking mga mamamayan at itinakwil ko sila. Kaya ibinigay ko sila sa iyong mga kamay, at hindi mo sila kinaawaan. Pati ang matatanda ay iyong pinagmalupitan. 7 Sinasabi mong ang iyong pagiging reyna ay walang katapusan. Pero hindi mo inisip ang iyong mga ginawa at kung ano ang maidudulot nito sa iyo sa huli. 8 Kaya pakinggan mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan at nag-aakalang ligtas. Sinasabi mo pa sa iyong sarili na ikaw ang Dios at wala nang iba pa. Inaakala mo ring hindi ka mababalo o mawawalan ng mga anak.[a] 9 Pero bigla itong mangyayari sa iyo: Mababalo ka at mawawalan ng mga anak. Talagang mangyayari ito sa iyo kahit na marami ka pang alam na mahika o panggagaway.
Ang Babaeng Bayaran
17 Pagkatapos, lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na may sisidlan at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang pagpaparusa sa sikat na babaeng bayaran. Ang babaeng ito ay ang malaking lungsod na itinayo malapit sa maraming tubig. 2 Nakipagrelasyon sa kanya ang mga hari sa buong mundo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinuro niya, at ang mga tao naman sa mundo ay parang nalasing sa mga itinuro niyang kasamaan.”
3 Pagkatapos, napuspos ako ng Banal na Espiritu at dinala ng anghel sa ilang. Nakita ko roon ang isang babaeng nakasakay sa pulang halimaw. Ang halimaw na iyon ay may pitong ulo at sampung sungay. At sa buong katawan ay nakasulat ang mga pangalang lumalapastangan sa Dios. 4 Kulay ube at pula ang damit ng babae, at may mga alahas siyang ginto, mamahaling bato, at perlas. May hawak siyang gintong tasa na puno ng kasamaan at karumihan niya dahil sa kanyang sekswal na imoralidad. 5 Nakasulat sa noo niya ang pangalang ito na may lihim na kahulugan: “Ang sikat na lungsod ng Babilonia, ang ina ng lahat ng babaeng bayaran[a] at ng lahat ng kasamaan sa buong mundo.” 6 At nakita kong lasing ang babaeng iyon sa dugo ng mga pinabanal[b] ng Dios na ipinapatay niya dahil sa pagsunod nila kay Jesus.
Namangha ako nang makita ko siya. 7 Pero sinabi sa akin ng anghel, “Huwag kang mamangha. Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng halimaw na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sampung sungay. 8 Ang halimaw na nakita mo ay buhay noon, pero patay na ngayon. Pero muli siyang lalabas mula sa kailaliman, at agad namang mapupunta sa walang hanggang kapahamakan. Makikita siya ng mga taong hindi nakasulat ang mga pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Bago pa man likhain ang mundo, ang pangalan nila ay hindi na nakasulat sa aklat na ito. At kapag nakita nila ang halimaw, mamamangha sila dahil buhay siya noon, at namatay na, ngunit nabuhay na naman.
9 “Kailangan dito ang talino upang maintindihan ang kahulugan ng mga ito. Ang pitong ulo ay ang pitong bundok na inuupuan ng babae. Nangangahulugan din ito ng pitong hari. 10 Lima sa pitong iyon ay patay na, ang isa ay naghahari pa ngayon, at ang isa ay hindi pa dumarating. Kapag dumating na siya, sandali lang ang paghahari niya. 11 Ang halimaw na buhay noon, pero patay na ngayon, ang siyang ikawalong hari. Kabilang din siya sa naunang pitong hari, at hahantong din siya sa kapahamakan.
12 “Ang sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa naghahari. Bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ang halimaw sa loob lang ng maikling panahon.[c] 13 Iisa ang layunin ng sampung haring iyon. At ipapailalim nila ang kapangyarihan at pamamahala nila sa halimaw.[d] 14 Lalabanan nila ang Tupa ngunit matatalo sila, dahil siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama ng Tupa ang mga tapat na tagasunod niya na kanyang tinawag at pinili.”
15 Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang tubig na nakita mo na inuupuan ng babaeng bayaran ay ang mga tao sa ibaʼt ibang lahi, bansa at wika. 16 Ang sampung sungay at ang halimaw na nakita mo ay mapopoot sa babaeng bayaran. Kukunin nila ang mga ari-arian niya pati na ang suot niyang damit at walang maiiwan sa kanya. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin ang matitira. 17 Niloob ng Dios na maisakatuparan ng sampung hari ang kanyang layunin. Kaya mapagkakasunduan nila na ipailalim sa halimaw ang kapangyarihan at pamamahala nila hanggang sa matupad ang sinabi ng Dios.
18 “Ang babaeng nakita mo ay ang sikat na lungsod na naghahari sa mga hari sa mundo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®