Revised Common Lectionary (Complementary)
9 Dahil ginawa mong kanlungan ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios na aking tagapagtanggol,
10 walang kasamaan, kalamidad o anumang salot ang darating sa iyo o sa iyong tahanan.
11 Dahil uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel upang ingatan ka saan ka man magpunta.
12 Bubuhatin ka nila upang hindi masugatan ang iyong mga paa sa bato.[a]
13 Tatapakan mo ang mga leon at mga makamandag na ahas.
14 Sinabi ng Dios, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin.
15 Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya;
sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya.
Ililigtas ko siya at pararangalan.
16 Bibigyan ko siya ng mahabang buhay at ipapakita ko sa kanya ang aking pagliligtas.”
Binasbasan ni Melkizedek si Abram
17 Nang umuwi na si Abram, matapos nilang talunin si Kedorlaomer at ang mga kasama niyang hari, sinalubong siya ng hari ng Sodom sa Lambak ng Save (na tinatawag din na Lambak ng Hari).
18 Sinalubong din siya ni Haring Melkizedek ng Salem at pari ng Kataas-taasang Dios. May dala si Melkizedek na pagkain at inumin. 19 Binasbasan niya si Abram at sinabing:
“Nawaʼy pagpalain ka Abram ng Kataas-taasang Dios
na lumikha ng langit at mundo.
20 Purihin ang Kataas-taasang Dios
na nagbigay ng tagumpay sa iyo laban sa mga kaaway mo!”
Pagkatapos, ibinigay ni Abram kay Melkizedek ang ikasampung bahagi ng lahat ng bagay na nakuha niya sa labanan.
21 Ngayon, sinabi ng hari ng Sodom kay Abram, “Sa iyo na lang ang lahat ng ari-arian ko na nabawi mo, pero isauli mo lang sa akin ang lahat ng tauhan ko.”
22 Pero sinabi ni Abram sa hari ng Sodom, “Isinusumpa ko sa harapan ng Panginoon, ang Kataas-taasang Dios na siyang lumikha ng langit at mundo, 23 na hindi ako kukuha ng kahit anumang ari-arian na galing sa iyo, kahit sinulid o kayaʼy tali ng sandalyas, para hindi mo masabing ikaw ang nagpayaman sa akin. 24 Hindi ako tatanggap ng kahit anuman para sa sarili ko. Ang ituturing ko lang na natanggap ko ay ang mga kinain ng aking mga tauhan, at pabayaan mo lang sina Aner, Eshcol at Mamre na sumama sa akin sa pagkuha ng bahagi nila sa mga bagay na nakuha mula sa labanan.”
Ang Magandang Balita para sa mga Hindi Judio
7 Kaya tanggapin ninyo ang isaʼt isa gaya nang pagtanggap ni Cristo sa inyo para mapapurihan ang Dios. 8 Sapagkat sinasabi ko sa inyo na isinugo ng Dios si Cristo para maglingkod sa mga Judio at para ipakita na ang Dios ay tapat sa pagtupad ng kanyang mga pangako sa kanilang mga ninuno. 9 Sinugo rin si Cristo para ipakita ang awa ng Dios sa mga hindi Judio, nang sa ganoon ay papurihan din nila ang Dios. Ayon nga sa Kasulatan,
“Pasasalamatan kita sa piling ng mga hindi Judio,
at aawit ako ng mga papuri sa iyo.”[a]
10 At sinabi pa sa Kasulatan,
“Kayong mga hindi Judio, makigalak kayo sa mga taong sakop ng Dios.”[b]
11 At sinabi pa,
“Kayong lahat na mga hindi Judio, purihin ninyo ang Panginoon.
Kayong lahat, purihin siya.”[c]
12 Sinabi naman ni Isaias,
“Magmumula sa lahi ni Jesse ang isang mamumuno sa mga hindi Judio,
at aasa sila sa kanya.”[d]
13 Nawa ang Dios na nagbibigay sa atin ng pag-asa ang siya ring magbigay sa inyo ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong pananampalataya sa kanya, para patuloy na lumago ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®