Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 90:12-17

12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
    upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
    Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
    upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
    na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.

Deuteronomio 5:22-33

22 “Iyan ang mga utos ng Panginoon sa inyong lahat na nagtipon sa bundok. Nang nagsalita siya nang malakas mula sa gitna ng apoy na napapalibutan ng makapal na ulap, ibinigay niya ang mga utos na ito at wala nang iba pang sinabi. Isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato at ibinigay sa akin.

23 “Nang marinig ninyo ang boses mula sa kadiliman habang naglalagablab ang bundok, lumapit sa akin ang lahat ng pinuno ng mga angkan at ang mga tagapamahala ninyo 24 at sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ng Panginoon na ating Dios ang kanyang kapangyarihan, at narinig natin ang kanyang boses mula sa apoy. Nakita natin sa araw na ito na maaaring mabuhay ang tao kahit nakipag-usap ang Panginoon sa kanya. 25 Ngunit hindi namin ilalagay sa panganib ang buhay namin. Sapagkat kung maririnig namin muli ang boses ng Panginoon na ating Dios, siguradong lalamunin kami ng apoy. 26 May tao bang nanatiling buhay matapos niyang marinig ang boses ng Dios na buhay mula sa apoy tulad ng ating narinig? 27 Ikaw na lang ang lumapit sa Panginoon na ating Dios, at pakinggan ang lahat ng sasabihin niya. Pagkatapos, sabihin mo sa amin ang lahat ng sinabi niya, dahil pakikinggan namin ito at susundin.’

28 “Narinig ng Panginoon ang sinabi ninyo nang nakipag-usap kayo sa akin, at sinabi niya, ‘Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga taong ito sa iyo, at mabuti ang lahat ng kanilang sinabi. 29 Sanaʼy palagi nila akong igalang at sundin ang aking mga utos para maging mabuti ang kalagayan nila at ng kanilang mga salinlahi magpakailanman. 30 Lumakad ka at sabihin sa kanila na bumalik sila sa kanilang mga tolda. 31 Ngunit magpaiwan ka rito sa akin para maibigay ko sa iyo ang lahat ng utos at tuntunin na ituturo mo sa kanila, na kanilang susundin doon sa lupaing ibinibigay ko sa kanila bilang pag-aari.’

32 “Kaya sundin ninyong mabuti ang iniutos ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Huwag ninyong susuwayin ang kahit isa sa kanyang mga utos. 33 Mamuhay kayo ayon sa iniutos ng Panginoon na inyong Dios sa inyo para mabuhay kayo nang matagal at masagana roon sa lupaing inyong mamanahin.

Hebreo 4:1-11

Ngunit kahit na ganoon ang nangyari sa kanila, nanatili pa rin ang pangako ng Dios na makakamtan natin ang kapahingahang mula sa kanya. Kaya mag-ingat tayo at baka mayroon sa atin na hindi magkakamit ng pangakong ito. Sapagkat nakarinig din tayo ng Magandang Balita katulad nila, pero naging walang saysay ang narinig nila dahil hindi sila sumampalataya. Tayong mga sumasampalataya ang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios. Ngunit hindi ito makakamit ng hindi sumasampalataya, dahil sinabi ng Dios,

    “Sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”[a]

Hindi ibig sabihin na wala pa ang kapahingahan. Ang totoo, nariyan na ito mula pa nang likhain ang mundo. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan tungkol sa ikapitong araw,

    “Sa ikapitong araw, nagpahinga ang Dios sa kanyang paglikha.”[b]

At sinabi rin sa Kasulatan, “Hinding-hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.” Malinaw na niloob ng Dios na may magkakamit ng kapahingahang ito, pero ang mga nakarinig noon ng Magandang Balita ay hindi ito nakamtan dahil sa pagsuway nila sa kanya. Kaya muling nagtakda ang Dios ng isa pang pagkakataon, na walang iba kundi ngayon. Dahil pagkalipas ng matagal na panahon sinabi ng Dios sa pamamagitan ni David,

    “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo.”[c]

Dahil kung tunay na nadala ni Josue sa kapahingahan ang mga tao noong una, hindi na sana nagsalita ang Dios tungkol sa isa pang kapahingahan. Kaya may kapahingahan pang nakalaan sa mga taong sakop ng Dios. At ang kapahingahang itoʼy katulad ng pagpapahinga ng Dios sa ikapitong araw. 10 Sapagkat ang sinumang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios ay makapagpapahinga rin sa mga gawain niya, tulad ng pamamahinga ng Dios matapos niyang likhain ang lahat. 11 Kaya sikapin nating makamit ang kapahingahang ito. Huwag nating tularan ang mga tao noong una na sumuway sa Dios, at baka hindi natin ito makamtan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®