Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:17-24

17 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,
    upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.
18 Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.
19 Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
    kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
20 Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.
21 Sinasaway nʼyo ang mga hambog
    at isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.
22 Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,
    dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.
23 Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,
    akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
24 Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.

Jeremias 33:1-11

Mga Pangakong Pagpapala

33 Habang si Jeremias ay naroon pa sa kulungan sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, nagsalita ang Panginoon sa kanya sa pangalawang beses. Ito ang sinasabi ng Panginoong lumikha ng mundo at naghugis nito – Panginoon ang pangalan niya:

“Tumawag ka sa akin at sasagutin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga kahanga-hanga at mahihiwagang bagay na hindi mo pa alam. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: Kahit giniba na ang mga bahay sa Jerusalem at ang palasyo ng hari ng Juda para gawing mga pampatibay ng pader upang hindi ito mapasok ng mga kaaway, papasukin pa rin ito ng mga taga-Babilonia. Maraming mamamatay sa lungsod na ito dahil wawasakin ko ito sa tindi ng galit ko sa inyo. Itatakwil ko ang lungsod na ito dahil sa kasamaan nito.

“Pero darating ang araw na pagagalingin ko ang lungsod na ito at ang mga mamamayan nito. At mamumuhay silang may kaunlaran at kapayapaan. Pababalikin ko ang mga taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkakabihag[a], at itatayo ko ulit ang lungsod nila katulad noon. Lilinisin at papatawarin ko sila sa lahat ng kasalanang ginawa nila sa akin. At kapag nangyari ito, ang lungsod ng Jerusalem ay magbibigay sa akin ng kadakilaan, kagalakan at kapurihan. At ang bawat bansa sa daigdig ay manginginig sa takot kapag nabalitaan nila ang mga kabutihan, kaunlaran at kapayapaan na ipinagkaloob ko sa lungsod na ito.”

10 Sinabi pa ng Panginoon, “Sinasabi ninyong malungkot at walang tao at mga hayop ang Juda at Jerusalem. Pero darating ang araw na muling mapapakinggan sa mga lugar na ito ang mga kasayahan at kagalakan. 11 Muling maririnig ang kagalakan ng mga bagong kasal, at ng mga taong nagdadala ng mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon. Sasabihin nila, ‘Magpasalamat tayo sa Panginoong Makapangyarihan dahil napakabuti niya. Ang pagmamahal niyaʼy walang hanggan.’ Talagang magsasaya ang mga tao dahil ibabalik ko ang mabuting kalagayan sa lupaing ito katulad noong una. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Mateo 20:29-34

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag(A)

29 Nang papaalis na sa Jerico si Jesus at ang mga tagasunod niya, sinundan sila ng napakaraming tao. 30 Samantala, may dalawang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sumigaw sila, “Panginoon, Anak ni David,[a] maawa po kayo sa amin!” 31 Pero sinaway sila ng mga tao at pinagsabihang manahimik. Ngunit lalo pa nilang nilakasan ang kanilang pagsigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa amin!” 32 Tumigil si Jesus, tinawag sila, at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita.” 34 Naawa si Jesus sa kanila, kaya hinipo niya ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita at sumunod kay Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®