Revised Common Lectionary (Complementary)
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.
13 Sinabi ng Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko at sabihin din ninyo ito sa mga lahi ni Jacob: 14 Sa araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan, wawasakin ko ang mga altar sa Betel.[a] Puputulin ko ang sungay ng mga sulok ng altar[b] at mahuhulog ang mga ito sa lupa. 15 Wawasakin ko ang kanilang mga bahay na pangtaglamig at ang mga bahay na pangtag-init. Wawasakin ko rin ang kanilang mamahalin[c] at malalaking bahay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
4 Kayong mga kilalang babae sa Samaria, para kayong mga baka ng Bashan na inaalagaan nang mabuti. Ginigipit ninyo at pinagmamalupitan ang mga mahihirap, at inuutusan pa ninyo ang inyong asawa ng ganito, “Kumuha ka ng alak at mag-inom tayo!” Kaya pakinggan ninyo itong 2 sinasabi ng Panginoong Dios: “Sa aking kabanalan, isinusumpa ko na darating ang araw na bibihagin kayo ng inyong mga kaaway na gaya ng pagbingwit sa isda. 3 Palalabasin nila kayo sa inyong lungsod sa pamamagitan ng mga siwang ng inyong gumuhong pader, at dadalhin nila kayo sa lupain ng Harmon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
4 “Kayong mga Israelita, pumunta kayo sa inyong sinasambahan sa Betel at sa Gilgal at dagdagan pa ninyo ang inyong kasalanan. Magdala kayo ng inyong mga handog bawat umaga at magdala kayo ng inyong mga ikapu tuwing ikatlong araw. 5 Sige, magsunog kayo ng tinapay na may pampaalsa bilang handog ng pasasalamat. Ipagmalaki ninyo iyan pati ang inyong mga handog na kusang-loob, dahil iyan ang gusto ninyong gawin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
Ang tungkol sa mga Tradisyon(A)
15 Pagkatapos noon, lumapit kay Jesus ang ilang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem. Tinanong nila si Jesus, 2 “Bakit nilalabag ng mga tagasunod mo ang tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” 3 Sumagot si Jesus sa kanila, “At kayo, bakit ninyo nilalabag ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Halimbawa, sinabi ng Dios, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[a] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[b] 5 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa kanyang mga magulang na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay nakalaan na sa Dios, 6 hindi na niya kailangang tumulong sa kanila. Pinawawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon. 7 Mga pakitang-tao! Tamang-tama ang sinabi ng Dios tungkol sa inyo sa pamamagitan ni Isaias:
8 ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
9 Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
sapagkat ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’ ”[c]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®