Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 2:18-24

18 Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Dios, “Hindi mabuting mabuhay ang tao nang nag-iisa lang, kaya igagawa ko siya ng kasama na tutulong sa kanya at nararapat sa kanya.” 19 Nilikha ng Panginoong Dios mula sa lupa ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa lupa pati ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Pagkatapos, dinala niya ang mga ito sa tao para tingnan kung ano ang ipapangalan nito sa kanila. At kung ano ang itatawag ng tao sa kanila, iyon ang magiging pangalan nila. 20 Kaya pinangalanan ng tao ang mga hayop na nakatira sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad. Pero para kay Adan,[a] wala kahit isa sa kanila ang nararapat na maging kasama niya na makakatulong sa kanya. 21 Kaya pinatulog ng Panginoong Dios ang tao nang mahimbing. At habang natutulog siya, kinuha ng Panginoong Dios ang isa sa mga tadyang ng lalaki at pinaghilom agad ang pinagkuhanan nito. 22 Ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalaki ay nilikha niyang babae, at dinala niya sa lalaki.

23 Sinabi ng lalaki,

“Narito na ang isang tulad ko!
    Buto na kinuha sa aking mga buto, at laman na kinuha sa aking laman.
    Tatawagin siyang ‘babae,’ dahil kinuha siya mula sa lalaki.”[b]

24 Iyan ang dahilan na iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.

Salmo 8

Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan

O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
    at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
    kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.

Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
    at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
    Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
    Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
    at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.

Hebreo 1:1-4

Ang Salita ng Dios sa Pamamagitan ng Kanyang Anak

Noong una, nangusap ang Dios sa mga ninuno natin sa ibaʼt ibang panahon at paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit nitong mga huling araw, nangusap siya sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan niya, nilikha ng Dios ang sanlibutan, at siya rin ang pinili niyang magmay-ari ng lahat ng bagay. Sa kanya makikita ang nagniningning na kadakilaan ng Dios, at kung ano ang Dios ay ganoon din siya. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa mundo sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita. Matapos niya tayong linisin sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kanan ng Makapangyarihang Dios doon sa langit.

Mas Dakila ang Anak ng Dios Kaysa sa Mga Anghel

Kaya naging mas dakila ang Anak ng Dios kaysa sa mga anghel at higit na dakila ang pangalan niya kaysa sa kanila.

Hebreo 2:5-12

Dumating ang Kaligtasan sa Pamamagitan ni Cristo

Ngayon, tungkol sa mundong darating na sinasabi namin, hindi ito ipinamahala ng Dios sa mga anghel. Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan:

    O Dios, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
    Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Sa maikling panahon ginawa ninyong mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo siya bilang hari,     at ipinasakop nʼyo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”[a]

Ang sinasabi ng Kasulatan na ipinasakop ang lahat ng bagay sa tao ay nangangahulugang darating ang araw na walang anumang bagay na hindi maipapasakop sa tao. Pero ngayon, hindi pa natin nakikita na sakop ng tao ang lahat ng bagay. Ngunit kung tungkol kay Jesus, alam natin na sa maikling panahon naging mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel, para maranasan niyang mamatay para sa lahat sa pamamagitan ng biyaya ng Dios. At ngayon, binigyan siya ng karangalan at kadakilaan dahil tiniis niya ang kamatayan. 10 Ginawa ng Dios ang lahat ng bagay, at ginawa niya ito para sa sarili niya. Kaya marapat lang na pumayag siyang maghirap si Jesus, para lubos na magampanan ni Jesus ang nararapat bilang pinagmumulan ng kaligtasan. Sa ganoon, maraming mga tao ang magiging kanyang mga anak na kanyang mapaparangalan. 11 Si Jesus ang naglilinis ng ating mga kasalanan. At ang kanyang Ama ay siya rin nating Ama. Kaya hindi niya ikinakahiya na ituring tayong mga kapatid niya. 12 Ito ang sinabi niya sa kanyang Ama:

    “Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang mga ginawa mo, at aawit ako ng papuri sa iyo sa piling ng mga sumasamba sa iyo.”[b]

Marcos 10:2-16

Samantala, may mga Pariseong pumunta sa kanya upang hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tinanong din sila ni Jesus, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?” Sumagot ang mga Pariseo, “Ipinahintulot ni Moises na maaaring gumawa ang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at pagkatapos ay pwede na niyang hiwalayan ang kanyang asawa.”[a] Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibinigay ni Moises sa inyo ang kautusang iyan dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit sa simula pa, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae.’[b] ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[c] Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.”

10 Pagbalik nila sa bahay, tinanong siya ng mga tagasunod niya tungkol dito. 11 Sinabi niya sa kanila, “Kung hiwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nangangalunya siya at nagkasala sa una niyang asawa. 12 At kung hiwalayan ng isang babae ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala rin ng pangangalunya.”

Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)

13 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Pero pinagbawalan sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Nang makita ni Jesus ang nangyari, nagalit siya at sinabi sa mga tagasunod niya, “Hayaan nʼyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.” 16 Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata, ipinatong ang kanyang kamay sa kanila at pinagpala.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®