Revised Common Lectionary (Complementary)
23 Ginagabayan ng Panginoon ang bawat hakbang ng taong matuwid na ang buhay ay nakakalugod sa kanya.
24 Matisod man siyaʼy hindi siya mabubuwal,
dahil hinahawakan siya ng Panginoon.
25 Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na,
ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain.
26 Ang matuwid ay palaging nagbibigay at nagpapahiram,
at ang kanilang mga anak ay nagiging pagpapala sa iba.
27 Iwasan ang masama at gawin ang mabuti;
nang sa gayon ay manahan ka sa lupain magpakailanman.
28 Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan,
at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan.
Silaʼy iingatan niya magpakailanman.
Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
29 Ang mga matuwid ay mananahan magpakailanman sa lupain ng Israel na sa kanilaʼy ipinamana.
30 Ang taong matuwid ay nagsasalita ng tama, at may karunungan.
31 Ang Kautusan ng Dios ay iniingatan niya sa kanyang puso,
at hindi niya ito sinusuway.
32 Ang mga taong masamaʼy laging nagbabantay
upang salakayin at patayin ang taong may matuwid na pamumuhay.
33 Ngunit hindi pababayaan ng Panginoon ang taong matuwid
sa kamay ng kanyang mga kaaway,
o parurusahan man kapag siyaʼy hinatulan.
34 Magtiwala ka sa Panginoon at sundin mo ang kanyang pamamaraan.
Pararangalan ka niya at patitirahin sa lupain ng Israel,
at makikita mong itataboy niya ang mga taong masama.
35 Nakita ko ang masamang tao na nang-aapi.
Gusto niyang kilalanin siyang mataas kaysa sa iba,
katulad ng mataas na punongkahoy ng Lebanon.
36 Nang siyaʼy aking balikan, siyaʼy wala na;
hinanap ko siya ngunit hindi ko na nakita dahil siyaʼy patay na.
37 Tingnan mo ang taong totoo at matuwid.
May magandang kinabukasan at may tahimik na pamumuhay.
38 Ngunit lilipulin ang lahat ng masama,
at ang kinabukasan nila ay mawawala.
39 Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula sa Panginoon.
Siya ang nag-iingat sa kanila sa panahon ng kaguluhan.
40 Tinutulungan sila ng Panginoon at inililigtas sa mga taong masama,
dahil silaʼy humihingi ng kanyang kalinga.
Humingi ng Hari ang mga Israelita
8 Nang matanda na si Samuel, pinili niya ang mga anak niyang lalaki na maging pinuno ng Israel. 2 Joel ang pangalan ng panganay at Abijah naman ang sumunod. Pareho silang namuno sa Beersheba, 3 pero hindi sila gaya ng kanilang ama. Gahaman sila sa pera, tumatanggap ng suhol at binabaluktot ang katarungan.
4 Kaya nagtipon ang lahat ng tagapamahala ng Israel at pumunta kay Samuel sa Rama. 5 Sinabi nila, “Matanda na po kayo; at ang mga anak ninyoʼy hindi naman sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Ngayon, bigyan nʼyo po kami ng hari na mamumuno sa amin, gaya ng ibang bansa na mayroong hari.” 6 Pero sumama ang loob ni Samuel sa hiniling nila, kaya nanalangin siya sa Panginoon. 7 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Gawin mo ang ipinapagawa nila sa iyo, hindi ikaw ang tinatanggihan nila kundi ako. 8 Mula nang ilabas ko sila sa Egipto hanggang ngayon, itinakwil nila ako at nagsisunod sa ibang mga dios. Ngayon, ganyan din ang ginagawa nila sa iyo. 9 Kaya gawin mo ang kahilingan nila, pero bigyan mo sila ng babala kung ano ang gagawin ng haring mamumuno sa kanila.”
10 Sinabi ni Samuel sa mga Israelitang humihingi ng hari ang lahat ng sinabi ng Panginoon. 11 Sinabi niya, “Ito ang gagawin ng hari na mamumuno sa inyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki at gagawin niyang mga sundalo. Ang ibaʼy gagawin niyang mga mangangarwahe, mangangabayo at ang ibaʼy mauuna sa kanyang karwahe. 12 Ang iba sa kanilaʼy gagawin niyang opisyal na mamamahala sa 1,000 sundalo at ang iba naman sa 50 sundalo. Ang ibaʼy pag-aararuhin niya sa kanyang bukid at ang ibaʼy pag-aanihin ng mga pananim niya, ang iba namaʼy gagawin niyang manggagawa ng mga armas para sa digmaan at mga kagamitan para sa kanyang karwahe. 13 Kukunin niya ang mga anak ninyong babae at gagawin niyang mga manggagawa ng pabango, kusinera at panadera. 14 Kukunin niya ang pinakamaganda ninyong mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, at ibibigay niya ang mga ito sa mga tagasunod niya. 15 Kukunin niya ang ikasampung bahagi ng inyong mga trigo at mga ubas, at ibibigay niya sa mga opisyal at iba pa niyang mga tagasunod. 16 Kukunin din niya ang mga alipin nʼyong lalaki at babae, at ang pinakamaganda ninyong mga baka at mga asno para magtrabaho sa kanya. 17 Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng mga hayop ninyo, at pati kayo ay gagawin niyang mga alipin. 18 Pagdating ng araw na iyon, dadaing kayo sa Panginoon dahil sa kalupitan ng hari na pinili ninyo, pero hindi niya kayo sasagutin.”
6 Kaya bilang matatagal nang sumasampalataya, dapat na nating iwan ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo, at magpatuloy sa mga malalalim na aralin. Huwag na tayong magpabalik-balik pa sa mga aral tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa mga bagay na walang kabuluhan, at tungkol sa pananampalataya sa Dios, 2 mga aral tungkol sa bautismo, pagpapatong ng kamay sa ulo, muling pagkabuhay ng mga patay, at paghahatol ng Dios sa magiging kalagayan ng tao magpakailanman. 3 Sa halip, kung loloobin ng Dios, magpatuloy tayo sa malalalim na aralin, 4-6 upang hindi natin siya talikuran. Sapagkat kung tatalikuran ng isang tao ang Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik pa sa Dios. Naliwanagan na ang pag-iisip niya, nakatikim na ng mga biyaya mula sa langit, tumanggap ng Banal na Espiritu, nakatikim na ng kabutihang dulot ng salita ng Dios, at nakadama na ng kapangyarihang ihahayag sa huling araw. Pagkatapos, kung tumalikod pa rin siya sa Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik sa Dios dahil para na rin niyang ipinakong muli sa krus at dinala sa kahihiyan ang Anak ng Dios.
7 Tulad tayo ng lupang pinagpapala ng Dios, na matapos tumanggap ng masaganang ulan ay tinutubuan ng mga halamang pakikinabangan ng magsasaka. 8 Ngunit kung matitinik na mga halaman lang ang tumutubo roon, wala itong pakinabang. Nanganganib itong sumpain na lang ng Dios, at sa bandang huli ay susunugin.
9 Mga minamahal, kahit na ganito ang sinasabi namin, nakakatiyak kaming nasa mabuti kayong kalagayan tungkol sa kaligtasan ninyo. 10 Makatarungan ang Dios, at hindi niya magagawang kalimutan ang inyong mabubuting gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa kanya at patuloy na ipinapakita sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapwa pinabanal[a] ng Dios. 11 Nais naming patuloy na maging masigasig ang bawat isa sa inyo sa pag-asa nʼyo sa Dios hanggang sa wakas, para makamtan ninyo ang inaasahan ninyo. 12 Huwag kayong maging tamad, sa halip, tularan nʼyo ang mga tao na tumatanggap ng mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya nila at pagtitiis.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®