Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 112

Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
    dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
Yayaman ang kanyang sambahayan,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
    at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
    at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
    at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
Hindi siya matatakot sa masamang balita,
    dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
Hindi siya matatakot o maguguluhan,
    dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
Nagbibigay siya sa mga dukha,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
    Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
    Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.

Jeremias 3:6-14

Ginaya ng Juda ang Israel

Noong panahon ng paghahari ni Josia, sinabi sa akin ng Panginoon, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Sumamba siya sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Para siyang babaeng nangangalunya. Akala ko, pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ito, babalik na siya sa akin, pero hindi siya bumalik. At nakita ito ng taksil niyang kapatid na walang iba kundi ang Juda. Hiniwalayan ko ang Israel at pinalayas dahil sa pangangalunya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. Pero sa kabila nito, nakita ko ang taksil niyang kapatid na Juda ay hindi man lang natakot. Nangalunya rin siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosang bato at kahoy, kaya dinungisan niya ang lupain. Hindi siya nababahala sa pagsamba sa mga dios-diosan. 10 At ang pinakamasama pa, hindi taos-pusong bumalik sa akin ang taksil na Juda. Pakunwari lang siya na bumalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit hindi tapat sa akin ang Israel mas mabuti pa rin siya kaysa sa taksil na Juda. 12 Lumakad ka ngayon at sabihin mo ito sa Israel,[a]Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Israel na taksil, manumbalik ka, dahil mahabagin ako. Hindi na ako magagalit sa iyo kailanman. 13 Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang Panginoon na iyong Dios, at sumunod ka sa ibang mga dios sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Aminin mo na hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

14 Sinabi pa ng Panginoon, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo.[b] Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Israel.[c]

Mateo 5:27-36

Ang Turo tungkol sa Pangangalunya

27 “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Huwag kang mangangalunya.’[a] 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang tumingin lang sa isang babae nang may masamang pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang isip. 29 Kaya kung ang kanang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng iyong katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 30 At kung ang kanang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno.”

Ang Turo tungkol sa Paghihiwalay(A)

31 “Sinabi rin noong una, ‘Kung nais ng isang lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa, kinakailangang bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’[b] 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kapag hiniwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, siya na rin ang nagtulak sa kanyang asawa na mangalunya kapag nag-asawa itong muli. At ang sinumang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.”

Ang Turo tungkol sa Panunumpa

33 “Narinig din ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Kapag ang tao ay nangako at nanumpa pa sa pangalan ng Panginoon, kailangang tuparin niya ito.’[c] 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kung mangangako kayo, huwag kayong susumpa. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ dahil naroon ang trono ng Dios, 35 o ‘Saksi ko ang lupa,’ dahil ito ang tuntungan ng kanyang paa. At huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ dahil ito ang lungsod ng dakilang hari. 36 At huwag din ninyong sasabihing, ‘Kahit mamatay pa ako,’ dahil ni isang buhok mo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®