Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Panalangin ng Taong Matuwid
26 Patunayan nʼyo, Panginoon, na akoʼy walang kasalanan,
dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,
at nagtitiwala sa inyo ng walang pag-aalinlangan.
2 Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.
Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,
3 dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,
at namumuhay ako na pinanghahawakan ang inyong katapatan.
4 Hindi ako sumasama sa mga taong sinungaling at mapagpanggap.
5 Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama ng masasamang tao,
at hindi ako nakikisama sa kanila.
6-7 Naghuhugas ako ng kamay upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.
Pagkatapos, pumupunta[a] ako sa pinaghahandugan ng hayop at ibaʼt ibang ani upang sumamba sa inyo, O Panginoon,
na umaawit ng papuriʼt pasasalamat.
Sinasabi ko sa mga tao ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.
8 Panginoon, mahal ko ang templo na inyong tahanan,
na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.
9-10 Huwag nʼyo po akong parusahang kasama ng mga makasalanan,
gaya ng mga mamamatay-tao.
Palagi silang handang gumawa ng masama,
at nanghihingi ng suhol.
11 Ngunit akoʼy namumuhay nang matuwid,
kaya iligtas nʼyo ako at inyong kahabagan.
12 Ngayon, ligtas na ako sa panganib,[b]
kaya pupurihin ko kayo, Panginoon, sa gitna ng inyong mamamayang nagtitipon-tipon.
1 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios tungkol sa bansa ng Edom, na kanyang ipinahayag kay Obadias.
Parurusahan ng Panginoon ang Edom
Nabalitaan nating mga Israelita mula sa Panginoon, na nagsugo siya ng mensahero sa mga bansa upang hikayatin sila na salakayin ang bansa ng Edom. 2 Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Makinig kayo! Gagawin ko kayong pinakamahina sa lahat ng bansa at hahamakin nila kayo. 3 Sinasabi ninyo na walang makakapagpabagsak sa inyo dahil nakatira kayo sa lugar na mataas at mabato. Sa pagyayabang ninyong ito, dinadaya lamang ninyo ang inyong mga sarili. 4 Sapagkat kahit gawin ninyong kasintaas ng lipad ng agila ang inyong tirahan at paabutin pa ninyo sa mga bituin, ibabagsak ko pa rin kayo sa lupa. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
5 “Hindi baʼt kapag pinasok ng mga magnanakaw ang iyong bahay, ang kinukuha lamang nila ay ang kanilang magustuhan? At hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nagtitira ng ilang bunga?[a] Pero kayong lahat ay lilipulin ng inyong mga kaaway. 6 Hahanapin nila at kukunin ang lahat ng kayamanan ng mga lahi ni Esau. 7 Lilinlangin kayo ng inyong kakamping mga bansa. Ang mga bansang nakipagkaibigan sa inyo ay siya ring sasalakay sa inyo, at palalayasin nila kayo sa bayan ninyo. Silang mga nakisalo sa inyo ang siya pang palihim na maglalagay ng bitag laban sa inyo. 8 Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi na sa araw ng paghatol ko sa inyo, lilipulin ko ang marurunong sa inyo. Mawawala ang karunungan sa Edom na tinatawag na Bundok ni Esau. 9 Manginginig sa takot ang inyong mga sundalo sa lungsod ng Teman, kaya mamamatay kayong lahat na nakatira sa Bundok ni Esau.”
Ang mga Tao sa Harap ng Trono ng Dios
9 Pagkatapos nito, nakita ko ang napakaraming tao na hindi mabilang sa dami. Nagmula sila sa lahat ng bansa, angkan, lahi at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Tupa. Silang lahat ay nakadamit ng puti at may mga hawak na palaspas. 10 Sumisigaw sila nang malakas, “Purihin ang Dios na nakaupo sa trono, at purihin din ang Tupa dahil iniligtas nila kami sa kaparusahan!” 11 Tumayo ang mga anghel sa palibot ng trono, ng mga namumuno, at ng apat na buhay na nilalang. At lumuhod sila sa harap ng trono at sumamba sa Dios. 12 Sinabi nila, “Amen! Ang Dios natin ay dapat purihin, sambahin, pasalamatan at parangalan. Nalalaman niya ang lahat, at nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan at kalakasan. Purihin siya magpakailanman! Amen!”
13 Tinanong ako ng isa sa 24 na namumuno, “Sino ang mga taong iyon na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” 14 Sumagot ako, “Hindi ko po alam. Kayo po ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga dumaan sa matinding paghihirap. Nilinis at pinaputi nila ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Tupa. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nasa harap sila ng trono ng Dios. Naglilingkod sila sa kanya araw at gabi sa kanyang templo. At ang Dios mismo na nakaupo sa kanyang trono ang siyang kumakalinga sa kanila. 16 Hindi na sila magugutom o mauuhaw pang muli. At hindi na rin mabibilad sa init o mapapaso sa sinag ng araw. 17 Sapagkat ang Tupang nasa trono ang magiging pastol nila, at dadalhin sila sa mga bukal na nagbibigay-buhay, at papahirin na ng Dios ang lahat ng luha sa kanilang mga mata.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®