Revised Common Lectionary (Complementary)
Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon
112 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
2 Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
3 Yayaman ang kanyang sambahayan,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
4 Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
5 Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
6 Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
7 Hindi siya matatakot sa masamang balita,
dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
8 Hindi siya matatakot o maguguluhan,
dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
9 Nagbibigay siya sa mga dukha,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.
Ang Kautusan tungkol sa Dangal ng Babae
13 “Kung napangasawa ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos nilang magsiping ay inayawan ng lalaki ang kanyang asawa 14 at pinagbintangan niya ito. At sinabi niya, ‘Natuklasan kong hindi na birhen ang aking asawa nang sumiping ako sa kanya.’ 15 Pupunta ang magulang ng babae sa mga tagapamahala doon sa may pintuan ng bayan. Magdadala sila ng ebidensya na birhen ang anak nila. 16 At sasabihin ng ama ng babae sa mga tagapamahala, ‘Ipinakasal ko ang anak ko sa taong ito at ngayoʼy nagagalit siya sa anak ko. 17 Pinagbibintangan niya ang anak ko na hindi na siya birhen nang mapangasawa niya. Pero heto ang ebidensya na birhen ang aking anak.’ At ipapakita ng magulang sa mga tagapamahala ang sapin ng mag-asawa na may dugo. 18 Pagkatapos nito, huhulihin ng mga tagapamahala ang lalaki at parurusahan. 19 Pagmumultahin siya ng 100 pirasong pilak at ibibigay ito sa ama ng babae, dahil ipinahiya niya ang isang birheng Israelita. At dapat ay huwag niyang hihiwalayan ang babae habang nabubuhay siya.
20 “Pero kung totoo ang bintang at walang makitang ebidensya na birhen ang babae, 21 dadalhin ang babaeng iyon sa harap ng bahay ng kanyang ama at doon babatuhin siya ng mga lalaki ng bayan hanggang sa mamatay. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. Nakakahiya ang bagay na ginawa niya sa Israel sa pamamagitan ng pakikiapid habang nasa poder pa siya ng kanyang ama.
Ang Kautusan tungkol sa Pakikiapid
22 “Kung nakiapid ang isang lalaki sa isang babaeng may asawa, dapat na patayin silang dalawa. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
23 “Kung ang isang lalaki ay nakiapid sa isang dalagang malapit nang ikasal, at nangyari ito sa isang bayan, 24 dadalhin silang dalawa sa pintuan ng bayan at babatuhin hanggang sa mamatay. Papatayin ang babae dahil kahit na naroon siya sa bayan, hindi siya sumigaw para humingi ng tulong. Papatayin din ang lalaki dahil nakiapid siya sa babaeng ikakasal na. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
25 “Ngunit kung ang babaeng ikakasal na ay pinagsamantalahan ng lalaki sa labas ng bayan, ang lalaki lang ang papatayin. 26 Huwag ninyong sasaktan ang babae; hindi siya nagkasala at hindi siya dapat parusahan ng kamatayan. Ang kasong ito ay katulad ng kaso ng tao na sumalakay sa kanyang kapwa at pinatay ito. 27 Dahil sa labas ng bayan pinagsamantalahan ang babae, kahit na sumigaw siya para humingi ng tulong, walang makakarinig sa kanya para tumulong.
28 “Kung nahuli ang isang lalaki na pinagsamantalahan ang isang dalaga na walang nobyo, 29 magbabayad ang lalaki ng 50 pirasong pilak sa ama ng babae. Dapat niyang pakasalan ang babae dahil kinuha niya ang kanyang pagkababae, at hindi niya ito dapat hiwalayan habang siyaʼy nabubuhay.
30 “Hindi dapat makiapid ang anak sa asawa ng kanyang ama, dahil kahiya-hiya ito sa kanyang ama.
Tungkol sa Pag-aasawa
7 Ngayon, ito naman ang masasabi ko tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin. Mas makabubuti sa isang lalaki kung hindi na lang mag-aasawa. 2 Ngunit dahil sa marami ang natutuksong gumawa ng sekswal na imoralidad, mas mabuti pa na mag-asawa na lang ang bawat lalaki o babae. 3 Dapat tuparin ng lalaki ang kanyang tungkulin sa kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae. 4 Sapagkat ang lalaki ay may karapatan sa katawan ng kanyang asawa. At ganoon din naman, ang babae sa kanyang asawa. 5 Kaya huwag ninyong ipagkait ang pagsiping sa inyong asawa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong ipagpaliban ito, upang mailaan ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkalipas ng inyong pinagkasunduan, magsiping na uli kayo dahil baka hindi na kayo makapagpigil at matukso kayo ni Satanas.
6 Ang sinasabi koʼy hindi isang utos kundi mungkahi lamang. 7 Kung pwede lang, gusto ko sanang kayong lahat ay maging katulad ko na walang asawa. Ngunit may kanya-kanyang kaloob sa atin ang Dios, at hindi ito pare-pareho.
8 Ngayon, ito naman ang masasabi ko sa mga wala pang asawa at sa mga biyuda: mas mabuti kung magpatuloy na lang kayo sa kalagayan ninyong iyan. 9 Ngunit kung hindi kayo makapagpigil sa inyong sarili, mag-asawa na lang kayo. Mas mabuti na ito kaysa sa magkasala kayo dahil sa matinding pagnanasa ng laman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®