Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 18:1-19

Awit ng Tagumpay ni David(A)

Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.

18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
    ikaw ang aking kalakasan!
Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
    ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
    tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Kay Yahweh ako'y tumatawag,
    sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!

Ginapos ako ng tali ng kamatayan;
    tinabunan ako ng alon ng kapahamakan.
Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan,
    nakaumang sa akin ang bitag ng libingan.
Kaya't si Yahweh ay aking tinawag;
    sa aking paghihirap, humingi ng habag.
Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig,
    pinakinggan niya ang aking paghibik.

Ang buong lupa ay nauga at nayanig,
    pundasyon ng mga bundok ay nanginig,
    sapagkat ang Diyos ay galit na galit!
Lumabas ang usok sa kanyang ilong,
    mula sa kanyang bibig ay mga baga at apoy.
Nahawi ang langit at siya'y bumabâ,
    makapal na ulap ang tuntungan niya.
10 Sa isang kerubin siya ay sumakay;
    sa papawirin mabilis na naglakbay.
11 Ang kadilima'y ginawa niyang takip,
    maitim na ulap na puno ng tubig.
12 Gumuhit ang kidlat sa harapan niya,
    at mula sa ulap, bumuhos kaagad
    ang maraming butil ng yelo at baga.

13 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
    tinig ng Kataas-taasan, agad narinig.
14 Dahil sa mga palaso na kanyang itinudla, ang mga kaaway ay nangalat sa lupa;
    nagsala-salabat ang guhit ng kidlat, lahat ay nagulo kaya't nagsitakas.
15 Dahil sa galit mo, O Yahweh,
    sa ilong mo galing ang bugso ng hangin;
kaya't ang pusod ng dagat ay nalantad,
    mga pundasyon ng lupa ay nahayag.

16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,
    sa malalim na tubig, ako'y iniahon.
17 Iniligtas ako sa kapangyarihan
    ng mga kaaway na di ko kayang labanan;
18 Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan,
    ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang.
19 Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan,
    ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!

Genesis 7:11-8:5

11 Si(A) Noe ay 600 taóng gulang na noon. Noong ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nabuksan ang lahat ng bukal sa ilalim ng lupa. Nabuksan din ang mga bintana ng langit. 12 Bumuhos ang ulan sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. 13 Pumasok noon sa barko si Noe at ang kanyang asawa, kasama ang kanilang tatlong anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet at ang kani-kanilang asawa. 14 Pinapasok din niya ang bawat uri ng hayop—mailap at maamo, lumalakad at gumagapang sa lupa, at bawat uri ng ibon. 15 Isang lalaki at isang babae ng bawat may buhay ang isinama ni Noe, 16 ayon sa utos ng Diyos. Pagkatapos, isinara ni Yahweh ang pinto ng barko.

17 Apatnapung araw na bumaha sa daigdig. Lumaki ang tubig at lumutang ang barko. 18 Palaki nang palaki ang tubig habang palutang-lutang naman ang barko. 19 Patuloy pang lumaki ang tubig hanggang sa lumubog ang lahat ng matataas na bundok, 20 at tumaas pa nang halos pitong metro sa taluktok ng mga bundok. 21 Namatay ang bawat may buhay sa lupa—mga ibon, maaamo at maiilap na mga hayop, lahat ng gumagapang sa lupa, at lahat ng tao. 22 Ang lahat ng may hininga sa ibabaw ng lupa ay namatay. 23 Ang mga tao at mga hayop sa daigdig ay nilipol ng Diyos, maliban kay Noe at sa kanyang mga kasama sa barko. 24 Nagsimulang bumabâ ang tubig pagkatapos ng 150 araw.

Wala nang Baha

Hindi nawaglit sa isipan ng Diyos si Noe at ang lahat ng hayop na kasama niya sa malaking barko. Kaya't pinaihip niya ang hangin, at nagsimulang humupa ang tubig. Huminto ang mga bukal at tumigil ang pagbuhos ng ulan. Patuloy na humupa ang tubig, at pagkaraan ng 150 araw ay mababa na ang baha. Sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat noong ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan. Patuloy ang paghupa ng tubig at nang unang araw ng ikasampung buwan, lumitaw ang taluktok ng mga bundok.

2 Pedro 2:4-10

Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno[a] kung saan sila'y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Dahil(A) sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. Sinumpa(B) [at tinupok][b] ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. Ngunit(C) iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang nabagabag ng mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. Naghirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. Kaya, alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, 10 lalo na ang sumusunod sa mahahalay na pagnanasa ng katawan at ayaw kumilala sa maykapangyarihan.

Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong ito. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.