Revised Common Lectionary (Complementary)
8 Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
9 Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
hindi magbabago.
Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
Tinawagan ang mga Dinalang-bihag
6 “Magmadali kayo!” sabi ni Yahweh. “Umalis kayo sa lupain sa hilaga, kayo na parang ipang inilipad ng hangin sa apat na sulok ng daigdig. 7 Magmadali kayo! Mga taga-Zion na naninirahan sa Babilonia, umuwi na kayo!”
8 Pagkatapos ng pangitaing ito, isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa mga taong nanamsam sa kanyang bayan at ipinasabi ang ganito: “Sinumang lumaban sa aking bayan ay para na ring lumaban sa akin. 9 Bilang parusa ko sa kanila, sila naman ang lulupigin ng mga inalipin nila. Kapag naganap na ito, malalaman nilang isinugo ko ang lalaking ito.”
10 Sinabi pa ni Yahweh, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Zion, sapagkat maninirahan na ako sa inyong kalagitnaan.”
11 Sa araw na iyon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri kay Yahweh at pasasakop sa kanya. Siya'y maninirahan sa inyong kalagitnaan. Sa gayon, malalaman ninyong isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 12 Aangkinin ni Yahweh ang Juda bilang bayang mahal at muli niyang hihirangin ang Jerusalem.
13 Tumahimik kayo sa harapan ni Yahweh, lahat ng nilalang, sapagkat tumayo na siya sa kanyang banal na tahanan.
Ang Kautusan at ang Kasalanan
7 Ang(A) ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung paano pagnasaan ang pag-aari ng iba kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag mong pagnasaan ang pag-aari ng iba.” 8 Ngunit dahil sa utos, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang Kautusan. 9 Noong una, namuhay ako nang walang Kautusan. Subalit nang dumating ang utos, nabuhay ang kasalanan 10 at ako'y namatay. Ang utos na dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat(B) kinasangkapan ng kasalanan ang utos upang ako'y dayain, at sa gayon ay napatay nga ako ng kasalanan.
12 Kaya nga, ang Kautusan ay banal, at ang bawat utos ay banal, matuwid at mabuti. 13 Ang ibig bang sabihin nito'y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama.
Ang Hilig ng Laman at Tuntunin ng Isip
14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman at alipin ng kasalanan. 15 Hindi(C) ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa. 16 Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 18 Alam kong walang mabuting bagay na naninirahan sa aking katawang makalaman. May kakayahan akong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang ito magawa. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. 20 Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang naninirahan sa akin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.