Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 145:8-14

Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
    hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
    sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.

10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
    lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
    at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
    mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
    hindi magbabago.

Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
    ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
    at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.

Zacarias 1:1-6

Panawagan na Manumbalik sa Diyos

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zacarias, anak ni Berequias at apo ni Propeta Iddo. Noong ikawalong buwan, ng ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario ng Persia, nangusap si Yahweh sa kanya. Ipinasabi niya sa mga taga-Juda, “Labis akong napoot sa inyong mga ninuno. Kaya't sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ‘Manumbalik kayo sa akin at kakalingain ko kayo. Huwag kayong tumulad sa inyong mga ninuno. Hindi sila nanumbalik sa akin, hindi nila tinalikuran ang kanilang kasamaan sa kabila ng aking mga panawagan sa pamamagitan ng mga propeta. Nasaan sila ngayon? At ang mga propeta, nanatili ba silang buháy? Ngunit natupad ang lahat ng sinabi ko sa pamamagitan ng mga propeta. Kaya naman sila'y nagsisi at sinabi nilang ginawa ko nga ang aking sinabi tungkol sa kanila na katumbas ng kanilang kasamaan.’”

Roma 7:1-6

Wala na sa Ilalim ng Kautusan

Mga kapatid, ako'y nagsasalita sa inyo na mga nakakaunawa ng batas. Alam ninyong ang isang tao'y nasasakop lamang ng batas habang siya'y nabubuhay. Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang isang babae ay nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung mamatay na ang lalaki, malaya na ang babae sa batas na nagtatali sa kanya sa lalaking iyon. Kaya nga, siya'y magkakasala ng pangangalunya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na iyon, at mag-asawa man siya sa ibang lalaki, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. Gayundin naman mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, at ngayon kayo ay kabilang na sa mga nakipag-isa sa kanya na muling binuhay, upang magbunga tayo ng mabubuting gawa para sa Diyos. Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa mga bahagi ng ating katawan na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan. Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi ayon sa lumang batas na nakasulat, kundi ayon sa bagong buhay ng Espiritu.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.