Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagtatalaga sa Kautusan ni Yahweh
(Shin)
161 Mga taong namumuno na kulang sa katarungan,
usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral.
162 Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay,
katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman.
163 Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
164 Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat,
sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad.
165 Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay,
matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
166 Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas,
ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad.
167 Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral,
buong pusong iniibig ang buo mong kautusan.
168 Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral,
ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan.
Ang Ubasan ni Nabot
21 Malapit sa palasyo ni Haring Ahab sa Jezreel, sa Samaria, ay may isang ubasan na pag-aari ni Nabot. 2 Isang araw, sinabi ni Ahab kay Nabot, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan. Gagawin kong taniman ng gulay sapagkat malapit ito sa aking palasyo. Papalitan ko ito ng mas mainam na ubasan, o kung gusto mo naman babayaran ko na lang ito sa tamang halaga.”
3 Ngunit ganito ang naging sagot ni Nabot: “Minana ko pa po sa aking mga ninuno ang ubasang ito. Hindi papayagan ni Yahweh na ibigay ko ito sa inyo.”
4 Umuwi si Ahab na malungkot at masama ang loob dahil sa sagot ni Nabot. Nagkulong siya sa kanyang silid, hindi makausap at ayaw kumain. 5 Nilapitan siya ng asawa niyang si Jezebel at tinanong, “Ano bang problema mo at hindi ka makakain?”
6 Sumagot ang hari, “Kinausap ko si Nabot na taga-Jezreel, at inalok ko siyang papalitan o babayaran ang kanyang ubasan. Ngunit tinanggihan ako, at ang sabi'y hindi raw niya maaaring ibigay sa akin ang kanyang ubasan.”
7 Sagot sa kanya ni Jezebel, “Para ka namang hindi hari ng Israel. Halika na! Kumain ka at huwag ka nang malungkot! Ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot.”
8 Gumawa ang reyna ng ilang sulat sa ngalan ng hari, tinatakan ng pantatak ng hari, at ipinadala sa mga matatandang pinuno at pangunahing mamamayan sa lunsod na tinitirhan ni Nabot. 9 Ganito ang sabi niya sa sulat: “Magpahayag kayo ng isang araw ng pag-aayuno. Tipunin ninyo ang mga tao at parangalan ninyo si Nabot. 10 Kumuha kayo ng dalawang sinungaling na saksi na maghaharap ng ganitong sumbong laban sa kanya: ‘Nilapastangan niya ang Diyos at ang hari.’ Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lunsod at batuhin hanggang mamatay.”
11 Tinupad ng matatandang pinuno at ng mga opisyal ng lunsod ang utos ni Jezebel. 12 Nagpahayag sila ng isang araw na pangkalahatang pag-aayuno. Tinipon nila ang mga tao at pinarangalan si Nabot. 13 Lumabas ang dalawang bayarang saksi at siya'y pinaratangan ng ganito: “Nilapastangan ni Nabot ang Diyos at ang hari.” Kaya't si Nabot ay inilabas sa lunsod at binato hanggang mamatay. 14 Nagpasabi naman agad sila kay Jezebel, “Patay na po si Nabot na taga-Jezreel.”
15 Pagkatanggap ng ganoong balita, nagpunta si Jezebel kay Ahab at sinabi, “Hayan! Kunin mo na ang ubasang hindi mo mabili kay Nabot. Hindi na siya makakatutol. Patay na siya.” 16 Nang malaman ni Ahab na patay na si Nabot, pumunta siya sa ubasan upang angkinin iyon.
9 Tungkol naman sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid, hindi na kailangang paalalahanan pa kayo dahil itinuro na sa inyo ng Diyos kung paano kayo magmahalan. 10 At ito na nga ang ginagawa ninyo sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, ipinapakiusap pa rin namin sa inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin pa ninyo ang inyong pag-ibig. 11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pag-ukulan ninyo ng pansin ang sariling gawain at hindi ang sa iba. Maghanapbuhay kayo tulad ng itinuro namin sa inyo. 12 Dahil dito, igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya at hindi na ninyo kailangang umasa sa iba.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.