Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 105:1-11

Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)

105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
    ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
    ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
    ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
    lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
    siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
    ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
    gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.

Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
    sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.
Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,
    ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang(B) tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
    at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;
10 sa(C) harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,
    para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
11 Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,
    bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.”

Mga Awit 105:37-45

37 Pagkatapos(A) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
    malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
    pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(B) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
    at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(C) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
    at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(D) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
    pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
    ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.

43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
    nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(E) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
    sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
    yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.

Purihin si Yahweh!

Josue 1:1-11

Paghahanda sa Pananakop

Pagkamatay ni Moises na lingkod ni Yahweh, sinabi ni Yahweh kay Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Patay na ang lingkod kong si Moises. Ngayo'y humanda ka at ang buong Israel, at tumawid kayo sa Ilog Jordan, patungo sa lupaing ibinibigay ko sa kanila. Gaya(A) ng aking sinabi kay Moises, ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng lupaing inyong mararating. Ito ang magiging hangganan ninyo: sa hilaga ay ang kabundukan ng Lebanon; sa timog ay ang disyerto; sa silangan, ang malaking Ilog Eufrates; at sa kanluran, mula sa lupain ng mga Heteo hanggang sa Dagat Mediteraneo. Walang(B) makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. Magpakatatag(C) ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pagsakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno. Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta. Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay. Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”

10 Kaya't ipinag-utos ni Josue sa mga pinuno ng bayan, 11 “Libutin ninyo ang buong kampo at paghandain ng pagkain ang mga tao. Sa ikatlong araw, tatawid tayo ng Ilog Jordan upang sakupin ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.”

1 Tesalonica 3:1-5

Kaya naman, nang hindi na kami makatiis, minabuti naming magpaiwan sa Atenas at(A) suguin sa inyo si Timoteo na ating kapatid at kamanggagawa para sa Diyos[a] sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Isinugo namin siya upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob alang-alang sa inyong pananampalataya, upang hindi manghina ang sinuman sa inyo dahil sa mga pag-uusig. Alam ninyong ang mga pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. Ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo'y uusigin, at gayon nga ang nangyayari tulad ng alam ninyo. Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpadala ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ngayon ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala ako na baka natukso na kayo ng diyablo, at kung magkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.