Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin sa Panahon ng Bagabag
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]
6 O(A) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
2 Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
3 Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?
4 Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
5 Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?
6 Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
7 Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.
8 Kayong(B) masasama, ako'y inyong layuan,
pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
9 Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.
Binantaang Patayin si Jeremias
26 Nang(A) pasimula ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim na anak ni Josias, tumanggap si Jeremias ng pahayag mula kay Yahweh: 2 “Tumayo ka sa bulwagan ng templo at sabihin mo sa lahat ng tao mula sa mga lunsod ng Juda na naroon upang sumamba kay Yahweh ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang maglilihim ng anuman. 3 Baka sakaling sila'y makinig at tumalikod sa kanilang masamang pamumuhay. Kung magkagayon, baka magbago ang aking isip at hindi ko na itutuloy ang parusang inihahanda ko dahil sa kanilang masasamang gawa.
4 “Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh: Kung hindi kayo makikinig sa akin, at kung hindi ninyo susundin ang aking mga utos na inihanda ko para sa inyo, 5 at hindi ninyo papakinggan ang sinasabi ng propetang sinugo ko sa inyo, 6 ang(B) templong ito'y itutulad ko sa Shilo, at gagamitin ng mga bansa ang pangalan ng lunsod na ito sa panlalait.’”
7 Ang pahayag na ito ni Jeremias ay napakinggan ng mga pari, ng mga propeta, at ng lahat ng taong nasa Templo ni Yahweh. 8 Pagkatapos niyang magsalita, si Jeremias ay dinakip nila at nagsigawan ng, “Dapat kang mamatay! 9 Bakit nagpahayag ka sa pangalan ni Yahweh na matutulad sa Shilo ang Templong ito, mawawasak ang lunsod, at walang matitirang sinuman?” At siya'y pinaligiran ng mga tao.
10 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno sa Juda, sila'y madaling nagtungo sa Templo mula sa palasyo at naupo sa kanilang mga upuan sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. 11 Pagkatapos ay sinabi ng mga pari at ng mga propeta sa mga pinuno at sa buong bayan, “Dapat lang na mamatay ang taong ito sapagkat nagpahayag siya laban sa lunsod, gaya ng narinig ninyo.”
12 Sinabi naman ni Jeremias sa mga pinuno at mga taong naroon, “Sinugo ako ni Yahweh upang magpahayag laban sa Templong ito at laban sa lunsod, gaya ng narinig na ninyo.
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Esmirna
8 “Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna:
“Ito ang sinasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. 9 Alam ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga nagpapanggap na mga Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magdurusa kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.
11 “Ang(B) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!
“Ang magtatagumpay ay hindi masasaktan ng pangalawang kamatayan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.