Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagtatalaga sa Kautusan ni Yahweh
(Shin)
161 Mga taong namumuno na kulang sa katarungan,
usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral.
162 Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay,
katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman.
163 Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
164 Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat,
sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad.
165 Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay,
matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
166 Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas,
ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad.
167 Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral,
buong pusong iniibig ang buo mong kautusan.
168 Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral,
ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan.
17 Sinabi ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, 18 “Puntahan mo agad si Haring Ahab sa Samaria. Makikita mo siya sa ubasan ni Nabot. Naroon siya upang kamkamin iyon. 19 Sabihin mo sa kanya, ‘Pagkatapos mong paslangin ang tao ay kukunin mo pati ang kanyang ari-arian? Kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabot, doon din hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.’”
20 Sinabi ni Ahab kay Elias, “Nakita mo na naman ako, aking kaaway.”
Sagot naman sa kanya ni Elias, “Hinanap kita muli sapagkat nalulong ka na sa paggawa ng masama sa paningin ni Yahweh! 21 Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata. 22 Paparusahan kita tulad ng ginawa ko sa angkan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa angkan ni Baasa na anak ni Ahias sapagkat ginalit mo ako at hinimok mo ang Israel sa pagkakasala.’ 23 Ito(A) naman ang pahayag laban kay Jezebel: “Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa loob mismo ng Jezreel.” 24 Sinuman sa angkan ni Ahab ang mamatay sa bayan ay kakainin ng mga aso; sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”
25 Dahil sa mga sulsol ni Jezebel, walang nakapantay sa mga kasamaang ginawa ni Ahab sa paningin ni Yahweh. 26 Ginawa niya ang mga mahahalay na kasalanan sa pamamagitan ng pagsamba niya sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga Amoreo na pinalayas ni Yahweh noong pumasok ang bayang Israel sa lupaing iyon.
27 Nang marinig ni Ahab ang mga sinabi ng propeta, pinunit niya ang kanyang damit, nagsuot ng damit-panluksa kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya bilang tanda ng malaking kalungkutan. 28 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Elias, 29 “Napansin mo ba kung paano nagpapakumbaba sa harapan ko si Ahab? Sapagkat nagpapakumbaba siya, hindi ko itutuloy ang parusa sa kanya habang siya'y nabubuhay. Ngunit pagkamatay niya, paparusahan ko ang kanyang angkan.”
Makikilala ang Espiritung Mula sa Diyos
4 Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito. 2 Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao. 3 Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng Kaaway ni Cristo ang nasa kanila. Narinig na ninyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa sanlibutan na.
4 Mga anak, kayo nga'y sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan. 5 Sila'y makasanlibutan, kaya't mula rin sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang mga makasanlibutan. 6 Ngunit tayo'y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin[a]; ngunit hindi nakikinig sa atin[b] ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.