Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 100

Awit ng Pagpupuri

Isang Awit ng Pasasalamat.

100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
    lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!

O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
    tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
    lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
    umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
    purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!

Napakabuti(A) ni Yahweh,
    pag-ibig niya'y walang hanggan,
    pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!

Exodo 4:18-23

Bumalik si Moises sa Egipto

18 Umuwi si Moises upang magpaalam sa biyenan niyang si Jetro. Sinabi niya, “Babalik po ako sa Egipto. Dadalawin ko po ang aking mga kamag-anak doon para malaman ko naman kung buháy pa sila.” Pumayag naman si Jetro.

19 Matapos magpaalam, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magbalik ka na sa Egipto sapagkat patay nang lahat ang mga taong ibig pumatay sa iyo.” 20 Kaya, isinakay niya sa mga asno ang kanyang asawa't mga anak at naglakbay sila patungong Egipto; dala niya ang kanyang tungkod.

21 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang mga kababalaghang ipinagagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin ang mga ito. Ngunit patitigasin ko ang puso niya upang hindi niya payagang umalis ang mga tao. 22 Kung magkagayon, ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Ipinapasabi ni Yahweh, Ang Israel ay aking anak na panganay. 23 Payagan(A) mo siyang umalis para sumamba sa akin. Kapag hindi mo pinayagan, papatayin ko ang iyong panganay.’”

Mga Hebreo 3:1-6

Higit si Jesus kay Moises

Mga hinirang na kapatid at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya. Tapat(A) siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa [buong][a] sambahayan ng Diyos. Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises. Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay. Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon. Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.