Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
13 “Ang pakpak ng ostrits buong gandang kumakampay,
nagbabadya kaya iyon kahit bahagyang pagmamahal?
14 Ang kanyang mga itlog sa lupa ay iniiwan,
ito'y hinahayaang sa lupa ay mainitan.
15 Di niya iniisip na baka ito'y matapakan,
o baka madurog ng mailap na nilalang.
16 Sa mga inakay niya siya ay malupit,
hindi niya alintanang hirap niya'y di masulit,
17 sapagkat pang-unawa ay di ko siya binigyan,
di ko hinatian ng kahit kaunting katalinuhan.
18 Ngunit napakabilis kapag siya'y tumatakbo,
pinagtatawanan lang niya kahit ang kabayo.
19 “Ikaw ba ang nagbigay ng lakas sa kabayo?
Ikaw ba ang naglagay ng magandang buhok nito?
20 Ikaw ba ang nagpapalukso dito na parang balang,
at kapag humalinghing ay kinatatakutan?
21 Nagpapakitang-gilas sa pagkamot niya sa lupa,
at napakabilis tumakbo upang makidigma.
22 Siya ay nagtatawa sa gitna ng panganib,
sa tabak na nakaumang, hindi siya nanginginig.
23 Ang mga sandata ng sa kanya'y nakasakay,
sa sikat ng araw kumakalampag at kumikinang.
24 Sa bilis ng kanyang takbo, lupa'y parang nilululon,
hindi siya mapakali kapag trumpeta ay umugong.
25 Sa tunog ng trumpeta'y halinghing ang sagot niya.
Ang ingay ng digmaan, dinig nito kahit malayo pa;
maging ang utos ng kapitan sa mga kasama.
4 Iba't(A) iba ang mga espirituwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. 5 Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. 6 Iba't iba ang mga gawain, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. 7 Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binibigyan ng patunay na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. 8 Ang ilan sa atin ay napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng kaalaman. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. 9 Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. 10 May pinagkakalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; sa iba naman ay kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at sa iba ay kakayahang kumilala kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkakalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon. 11 Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya.
Iisang Katawan Ngunit Maraming Bahagi
12 Si(B) Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. 13 Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa pamamagitan ng iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.