Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 20:7-13

Si Jeremias ay Dumaing kay Yahweh

Yahweh, ako'y iyong hinikayat,
    at naniwala naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin
    kaya ikaw ay nagwagi.
Pinagkatuwaan ako ng lahat;
    at maghapon nila akong pinagtatawanan.

Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkawasak!”
Pinagtatawanan nila ako't hinahamak,
    sapagkat ipinapahayag ko ang iyong salita.
Ngunit kung sabihin kong, “Kalilimutan ko na si Yahweh
    at hindi na ako magsasalita para sa kanyang pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking kalooban ang iyong mga salita,
    apoy na nakakulong sa aking mga buto.
Sinikap kong tiisin ito,
    ngunit hindi ko na kayang pigilin pa.
10 Naririnig kong maraming nagbubulungan.
    Tinagurian nila akong “Takot sa Lahat ng Dako.”
    Sinasabi nila, “Isumbong natin! Isumbong natin sa may kapangyarihan!”
Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan.
Sabi pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
    pagkatapos, hulihin natin at paghigantihan.”
11 Subalit ikaw, Yahweh, ay nasa panig ko,
    tulad sa malakas at makapangyarihang mandirigma;
mabibigo ang lahat ng umuusig sa akin,
    mapapahiya sila at hindi magtatagumpay kailanman.
Hindi na makakalimutan ang kanilang kahihiyan habang panahon.
12 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,
    alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip.
Kaya ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko,
    ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
13 Awitan ninyo si Yahweh,
    siya'y inyong papurihan,
sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.

Mga Awit 69:7-10

Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
    napahiyang lubos sa kabiguan ko.
Sa mga kapatid parang ako'y iba,
    kasambahay ko na'y di pa ako kilala.

Ang(A) malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
    ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,
    at ako'y hinamak ng maraming tao;

Mga Awit 69:11-15

11 ang suot kong damit, na aking panluksa,
    ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
    ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.

13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
    sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
    ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
    sa putik na ito't tubig na malalim;
    sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
    o dalhin sa malalim at baka malunod;
    hahantong sa libing, ako pagkatapos.

Mga Awit 69:16-18

16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
    sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
    ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
    sagipin mo ako sa mga kaaway.

Roma 6:1-11

Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy kay Cristo

Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala? Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? Samakatuwid,(A) tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.

Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Kung tayo'y namatay nang kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay rin tayong kasama niya. Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. 10 Nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa lahat ng panahon dahil sa kasalanan; at ang buhay niya ngayon ay para sa Diyos. 11 Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buháy para sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus.

Mateo 10:24-39

24 “Walang(A) alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. 25 Sapat(B) nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.”

Ang Dapat Katakutan(C)

26 “Kaya(D) huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan.[a] 28 Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. 29 Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. 30 At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. 31 Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”

Pagpapatotoo kay Cristo(E)

32 “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit(F) ang sinumang ikaila ako sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit.”

Hindi Kapayapaan Kundi Tabak(G)

34 “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. 35 Naparito(H) ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. 36 At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay.

37 “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang(I) hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang(J) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.