Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 6

Panalangin sa Panahon ng Bagabag

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]

O(A) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
    o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
    pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
    O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?

Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
    hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
    sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?

Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
    gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
    binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
    halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.

Kayong(B) masasama, ako'y inyong layuan,
    pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
    at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
    sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.

Jeremias 38:1-13

Si Jeremias sa Tuyong Balon

38 Narinig ni Sefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jucal na anak naman ni Selemias, at ni Pashur na anak ni Malquias, ang sinasabi ni Jeremias sa mga tao. Ganito ang narinig nilang sinabi ni Jeremias: “Sinabi ni Yahweh na mamamatay sa labanan o sa matinding gutom at sakit ang sinumang mananatili sa lunsod na ito. Ngunit ang lalabas at susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay, bagkus ay maliligtas. Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang lunsod na ito ay pababayaan kong masakop ng mga taga-Babilonia.”

Kaya sinabi ng mga pinuno, “Mahal na hari, dapat ipapatay ang taong ito. Sa kasasalita niya ay natatakot tuloy ang mga kawal pati ang mga mamamayan. Hindi nakakatulong sa bayan ang taong iyan; nais pa niyang mapahamak tayong lahat.”

Kaya sinabi ni Haring Zedekias, “Kung gayon, gawin ninyo sa kanya ang nais ninyo; hindi ko kayo mapipigil.” Dinakip nila si Jeremias at inihulog sa balon ni Malquias, ang anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay. Hindi tubig kundi putik ang laman ng balon, kaya lumubog siya sa putik.

Ang pangyayaring ito'y nabalitaan ni Ebed-melec, isang Etiopeng naglilingkod sa palasyo ng hari. Ang hari naman ay kasalukuyang nasa may Pintuan ni Benjamin. Pinuntahan ni Ebed-melec ang hari at sinabi, “Mahal na hari, masama ang ginawa ng mga pinuno; inihulog nila sa balon si Jeremias. Maaaring mamatay siya sa gutom sapagkat wala nang pagkain sa lunsod.” 10 Inutusan ng hari si Ebed-melec na magsama ng tatlong lalaki[a] at pagtulung-tulungan nilang iahon sa balon si Jeremias bago ito mamatay. 11 Isinama ni Ebed-melec ang mga lalaki, kumuha sila ng mga lumang damit sa taguan, at inihulog kay Jeremias sa pamamagitan ng lubid. 12 Sinabi ni Ebed-melec kay Jeremias, “Isapin po ninyo sa inyong kili-kili ang mga lumang damit para hindi kayo masaktan ng lubid.” Sumunod naman si Jeremias, 13 at hinila nila siya paitaas hanggang sa maiahon. Pagkatapos ay iniwan nila si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.

Mateo 10:5-23

Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(A)

Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo(B) kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. 10 Sa(C) inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.

11 “Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ 13 Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon. 14 At(D) kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Tandaan(E) ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”

Mga Pag-uusig na Darating(F)

16 “Tingnan(G) ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. 17 Mag-ingat(H) kayo sapagkat kayo'y dadakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag iniharap na kayo sa hukuman, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magsasalita sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin. 20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

21 “Ipagkakanulo(I) ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 22 Kapopootan(J) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 23 Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.