Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
napahiyang lubos sa kabiguan ko.
8 Sa mga kapatid parang ako'y iba,
kasambahay ko na'y di pa ako kilala.
9 Ang(A) malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,
at ako'y hinamak ng maraming tao;
11 ang suot kong damit, na aking panluksa,
ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.
13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
sa putik na ito't tubig na malalim;
sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
o dalhin sa malalim at baka malunod;
hahantong sa libing, ako pagkatapos.
16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
sagipin mo ako sa mga kaaway.
12 Ang isasagot nila, ‘Hindi! Lalo pa kaming magmamatigas at magpapakasama hanggang gusto namin.’”
Itinakwil ng mga Tao si Yahweh
13 Kaya nga, ito ang sabi ni Yahweh:
“Tanungin mo ang alinmang bansa,
kung may nangyari na bang ganito kahit kailan?
Napakasama ng ginawa ng bayang Israel!
14 Nawawalan ba ng yelo ang mabatong kabundukan ng Lebanon?
Natutuyo ba ang umaagos at malamig na batis doon?
15 Subalit ako'y kinalimutan ng aking bayan;
nagsusunog sila ng kamanyang sa mga diyus-diyosan.
Nadapa sila sa daang dapat nilang lakaran,
at hindi na nila dinaanan ang lumang kalsada;
lumakad sila sa mga daang walang palatandaan.
16 Ang lupaing ito'y ginawa nilang pook ng katatakutan,
at pandidirihan habang panahon.
Masisindak ang bawat dadaan dito dahil sa makikita nila;
mapapailing na lamang sila sa malaking pagtataka.
17 Pangangalatin ko ang aking bayan sa harapan ng kanilang mga kaaway,
gaya ng alikabok na hinihipan ng malakas na hangin.
Tatalikuran ko sila at hindi tutulungan
pagdating ng araw ng kapahamakan.”
Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin
5 Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. 6 Sa(A) halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:
“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
7 Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha][a]
8 at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”
Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao,[b] walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. 9 Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.