Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 75

Diyos ang Siyang Huhusga

Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.

75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
    sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
    upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.

Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
    walang pagtatanging ako ay hahatol.
Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
    maubos ang tao dito sa daigdig,
    ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
“Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
    Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”

Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
    hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
    sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
    sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
    ng taong masama, hanggang sa ubusin.

Subalit ako ay laging magagalak;
    ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
    sa mga matuwid nama'y itataas!

Zefanias 3:1-13

Ang Kapahamakan at Katubusan ng Israel

Mapapahamak ang mapaghimagsik na lunsod ng Jerusalem,
    punung-puno ng mga makasalanan at ng mga pinunong mapang-api.
Hindi ito sumusunod kay Yahweh
    at ayaw tumanggap ng kanyang pagtutuwid.
Wala itong tiwala sa kanya,
    at ayaw nitong lumapit sa Diyos upang humingi ng tulong.

Ang kanyang mga pinuno ay parang mga leong umuungal;
ang mga hukom nama'y parang mga asong-gubat sa gabi,
    na sa pagsapit ng umaga'y walang itinitira kahit na buto.
Ang kanyang mga propeta ay di mapagkakatiwalaan at mapanganib;
ang kanyang mga pari ay lapastangan sa mga bagay na sagrado;
    at binabaluktot ang kautusan para sa kanilang kapakinabangan.
Ngunit nasa lunsod pa rin si Yahweh;
    doo'y pawang tama ang kanyang ginawa
at kailanma'y hindi siya nagkakamali.
    Araw-araw ay walang tigil niyang ipinapakita
ang kanyang katarungan sa kanyang bayan,
    ngunit hindi pa rin nahihiya ang masasama sa paggawa ng kasalanan.

“Nilipol ko na ang mga bansa;
    winasak ko na ang kanilang mga tore at kuta.
Sinira ko na ang kanilang mga lansangan,
    kaya't wala ni isa mang doo'y dumaraan.
Giba na ang mga lunsod nila,
    wala nang naninirahan doon,” sabi ni Yahweh.
Kaya't nasabi ko, “Tiyak na matatakot na siya sa akin,
    tatanggap na siya ng aking pagtutuwid.
Hindi na niya ipagwawalang-bahala ang mga paalala ko.
Ngunit lalo pa siyang nasabik gumawa ng masama.”

“Kaya't hintayin ninyo ako,” sabi ni Yahweh,
    “hintayin ninyo ang araw ng aking pag-uusig.
Sapagkat ipinasya kong tipunin,
    ang mga bansa at ang mga kaharian,
upang idarang sila sa init ng aking galit,
    sa tindi ng aking poot;
at ang buong lupa ay matutupok sa apoy ng aking poot.

“Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao,
    at bibigyan ko sila ng dilang malinis,
upang sa kay Yahweh lamang manalangin at sumamba
    at buong pagkakaisang maglingkod sa kanya.
10 Mula sa kabilang panig ng mga ilog ng Etiopia,[a]
    ang aking nangalat na bayan,
    ay sasamba sa akin at magdadala ng kanilang handog.

11 “Sa araw na iyon ay hindi na kayo mapapahiya
    sa ginawa ninyong paghihimagsik sa akin,
sapagkat aalisin ko ang mga mapagmataas,
    at hindi na kayo maghihimagsik sa aking banal na bundok.
12 Iiwan ko roon
    ang mga taong mapagpakumbaba;
lalapit sila sa akin upang magpatulong.
13 Hindi(A) na gagawa ng kasamaan ang mga nakaligtas sa Israel;
    hindi na sila magsisinungaling ni mandaraya man.
Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag;
    wala na silang katatakutan.”

Galacia 4:21-5:1

Ang Paghahambing kina Hagar at Sara

21 Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Sinasabi(A) roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa aliping babae at isa sa malayang babae. 23 Ang anak niya sa aliping babae ay ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, ngunit ang anak niya sa malayang babae ay ipinanganak bilang katuparan ng pangako ng Diyos. 24 Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin. 25 Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia,[a] at larawan ng kasalukuyang Jerusalem sapagkat siya'y nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. 26 Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. 27 Ayon(B) sa nasusulat,

“Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak!
    Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak!
Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila
    kaysa babaing may asawa.”

28 Mga kapatid, tulad ni Isaac, tayo'y mga anak ayon sa pangako. 29 Kung(C) noong una, ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay inuusig ng ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, gayundin naman ngayon. 30 Ngunit(D) ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.” 31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya.

Manatili Kayong Malaya

Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.