Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 75

Diyos ang Siyang Huhusga

Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.

75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
    sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
    upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.

Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
    walang pagtatanging ako ay hahatol.
Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
    maubos ang tao dito sa daigdig,
    ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
“Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
    Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”

Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
    hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
    sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
    sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
    ng taong masama, hanggang sa ubusin.

Subalit ako ay laging magagalak;
    ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
    sa mga matuwid nama'y itataas!

Daniel 12

Pahayag tungkol sa Huling Panahon

12 “Sa(A) panahong iyon, darating ang dakilang anghel na si Miguel, ang makapangyarihang pinuno at tagapagtanggol ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos. Muling(B) mabubuhay ang maraming mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama'y sa kaparusahang walang hanggan. Ang marurunong na pinuno ay magniningning na gaya ng liwanag sa langit at ang mga umaakay sa marami sa pagiging matuwid ay sisikat na parang bituin magpakailanman. Daniel,(C) ingatan mo muna ang mga pahayag na ito at isara ang aklat upang hindi ito mabuksan hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Marami ang magsasaliksik at magsisikap na maunawaan ang maraming bagay.”

Akong si Daniel ay tumingin at may nakita akong dalawang tao, isa sa magkabilang pampang ng ilog. Tinanong ng isa ang anghel na nakatayo sa gawing dulo, “Gaano pa katagal bago maganap ang mga pangitaing ito?”

Itinaas(D) ng anghel ang dalawang kamay at narinig kong sinabi niya, “Sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman, magaganap ang lahat ng ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng bayan ng Diyos.”

Hindi ko naunawaan ang kanyang sagot, kaya't ako'y nagtanong, “Ginoo, ano po ba ang kahihinatnan ng lahat ng ito?”

Sinabi niya sa akin, “Makakaalis ka na, Daniel. Ang kahulugan nito'y mananatiling lihim hanggang dumating ang wakas. 10 Marami(E) ang dadalisayin at mapapatunayang may malinis na kalooban. Ngunit magpapakasama pa ang masasama, at wala isa man sa kanila ang makakaunawa sa mga bagay na mauunawaan ng marurunong. 11 Lilipas(F) ang 1,290 araw mula sa panahon na papatigilin ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam. 12 Mapapalad ang mananatiling tapat hanggang sa matapos ang 1,335 araw. 13 Daniel, maging tapat ka nawa hanggang sa wakas. Mamamatay ka ngunit muling bubuhayin sa huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala.”

Mateo 12:15-21

Ang Lingkod na Hinirang

15 Nang malaman ito ni Jesus, umalis siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng maysakit. 16 Ngunit mahigpit niyang ipinagbilin na huwag nilang ipamalita kung sino siya. 17 Sa gayon, natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias,

18 “Narito(A) ang lingkod ko na aking hinirang,
    ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
    at siya ang magpapahayag ng katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipag-away o maninigaw,
    ni magtataas ng boses sa mga lansangan,
20 hindi niya babaliin ang tambong marupok,
    hindi rin niya papatayin ang ilawang umaandap,
hanggang katarunga'y hindi nagtatagumpay nang ganap;
21     at ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya ay ilalagak.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.