Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 86:11-17

11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
    at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
    turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
    at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
    di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
    taong mararahas, na ang adhikain
    ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
    wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
    lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
    iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
    pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
    upang mapahiya ang aking kaaway,
    kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!

Isaias 41:21-29

Walang Kabuluhang mga Diyus-diyosan

21 Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Hari ni Jacob:
    “Kayo ay lumapit, mga diyus-diyosan, ang panig ninyo ay ipaglaban.
22 Lumapit kayo at inyong hulaan
    ang mga mangyayari sa kinabukasan.
Ipaliwanag ninyo sa harap ng hukuman,
    upang pagtuunan ng aming isipan,
    ang mga pangyayari sa kahapong nagdaan.
23 Maniniwala kaming kayo nga ay diyos
    kapag ang hinaharap inyong mahulaan.
Kayo'y magpakita ng anumang gawang mabuti, o kahit masama,
    nang kami'y masindak o kaya'y manghina.
24 Kayo at ang inyong gawa'y walang kabuluhan;
    ang sumasamba sa inyo ay kasuklam-suklam.

25 “Mayroon akong isang taong pinili mula sa silangan,
    at aking pinasasalakay mula sa hilaga.
Parang lupang kanyang tatapakan ang mga hari,
    tulad ng pagmamasa sa putik na ginagawang palayok.
26 Mula sa simula sino sa inyo ang nakahula na ito'y mangyayari,
    para masabi naming siya ay tama?
Walang sinabing anuman tungkol dito ang isa man sa inyo.
27 Akong si Yahweh ang unang nagbalita nito sa Jerusalem,
    nang ipasabi ko sa aking sugo ang ganito:
    “Ang aking bayan ay uuwi na.”
28 Nang ako'y maghanap
    wala akong nasumpungang tagapayo,
    na handang sumagot sa sandaling magtanong ako.
29 Lahat ng diyus-diyosan ay walang kabuluhan.
    Wala silang magagawang anuman
    dahil sila'y mahihina at walang kapangyarihan.”

Mga Hebreo 2:1-9

Ang Dakilang Kaligtasan

Kaya nga, dapat lalo nating panghawakang mabuti ang mga narinig natin upang hindi tayo maligaw. Ang mensaheng ipinahayag sa pamamagitan

ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo. Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban.

Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin

Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. Sa(A) halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:

“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha][a]
    at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”

Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao,[b] walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.