Revised Common Lectionary (Complementary)
11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
taong mararahas, na ang adhikain
ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
upang mapahiya ang aking kaaway,
kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!
Hinamak ang Pagsamba sa Diyus-diyosan
9 Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto, at walang kabuluhan ang mga diyus-diyosang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya. 10 Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin. 11 Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang mga gumagawa nito'y tao lamang, kaya't magsama-sama man sila at ako'y harapin, sila'y matatakot at mapapahiya rin.
12 Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok niya ito sa pamamagitan ng kanyang malakas na bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod.
13 Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang imahen. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay. 14 Pumipili siya at pumuputol ng isang matigas na kahoy sa gubat tulad ng sedar, ensina at sipres. Maaari din siyang magtanim ng laurel at ito ay hintaying lumaki habang dinidilig ng ulan. 15 Ang(A) kaputol na kahoy nito ay ginagawang panggatong at ang kaputol naman ay ginagawang diyus-diyosan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay ng init sa kanya at para igatong sa pagluluto. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin. 16 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: “Salamat at hindi na ako giniginaw!” 17 Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, “Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos!”
Tiyak ang Pangako ng Diyos
13 Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa kanya na maaari niyang panumpaan. 14 Sinabi(A) niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi.” 15 Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap niya ang ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpa ay pinapagtibay ang usapan. 17 Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. 18 Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. 19 Ang(B) pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. 20 Si(C) Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.