Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 55:10-13

10 “Ang(A) ulan at yelo na bumabagsak mula sa langit ay hindi na nagbabalik,
    kundi dinidilig nito ang lupa,
kaya lumalago ang mga halaman at namumunga
    at nagbibigay ng butil na panghasik, at tinapay upang maging pagkain.
11 Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig,
    ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan.
Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais.

12 “May galak na lilisanin ninyo ang Babilonia,
    mapayapa kayong aakayin palabas ng lunsod.
Aawit sa tuwa ang mga bundok at mga burol,
    sisigaw sa galak ang mga punongkahoy.
13 Sa halip na mga tinik, kahoy na mayabong ang siyang tutubo;
    sa halip na dawag, mga kakahuyan ay muling darami at magsisilago.
Ang lahat ng ito'y parangal kay Yahweh,
    walang hanggang tanda sa lahat ng kanyang mga ginawa.”

Mga Awit 65:1-8

Pagpupuri at Pagpapasalamat

Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

65 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,
    dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
    pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.
Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
    Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,
    gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,
    silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!
Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,
    dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.

Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,
    sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.
Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,
    may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;
    dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,
    pati along malalaki sa panahong nagngangalit;
    maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,
    natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.
Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,
    buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.

Mga Awit 65:9-13

Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
    umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.
Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
    sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10     Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
    ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,
    kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,
    at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
    naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
    at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.
Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!

Roma 8:1-11

Pamumuhay Ayon sa Espiritu

Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako[a] mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.

Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.

Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung(A) naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.

Mateo 13:1-9

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

13 Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Dahil(B) sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya:

“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang matitinik at sinakal ng mga ito ang mga binhing tumubo doon. Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!”

Mateo 13:18-23

Ipinaliwanag ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

18 “Makinig kayo at unawain ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. 19 Kapag ang isang tao ay nakikinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.

20 “Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong nakikinig ng mensahe na kaagad at masayang tumatanggap nito 21 ngunit hindi tumitimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nananatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.

22 “Ang binhi namang nahulog sa may matitinik na halaman ay ang mga taong nakikinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, nawawalan ng puwang sa kanilang puso ang mensahe at hindi ito nagkakaroon ng bunga.

23 “At ang katulad naman ng binhing nahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.