Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 92

Awit ng Papuri sa Diyos

Isang Awit para sa Araw ng Pamamahinga.

92 Ang magpasalamat
    kay Yahweh ay mabuting bagay,
umawit na lagi
purihin ang ngalang Kataas-taasan.
Pag-ibig niyang wagas
ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi
ang katapatan niya'y ihayag din naman.
Ito'y ipahayag
sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,
sa magandang himig
ng tugtuging lira'y ipahayag ito.
Ako'y nagagalak
sa iyong ginawa na kahanga-hanga,
sa lahat ng ito
ako'y umaawit dahilan sa tuwa.

O pagkadakila!
Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa,
ang iyong isipan
ay sadyang mahirap naming maunawa.
Sa(A) kapos na isip,
ang bagay na ito ay di nalalaman,
hindi malilirip
ni mauunawa ng sinumang mangmang:
ang mga masama
kahit na dumami't sila ma'y umunlad,
kanilang hantungan
ay tiyak at lubos na kapahamakan;
sapagkat ikaw lang,
Yahweh, ang dakila't walang makatulad.

Nababatid naming
lilipuling lahat ang iyong kaaway,
at lahat ng taong
masama ang gawa ay mapipilan.
10 Ako'y ginawa mong
sinlakas ng torong mailap sa gubat,
ako'y pinagpala't
pawang kagalakan aking dinaranas.
11 Aking nasaksihan
yaong pagkalupig ng mga kaaway,
pati pananaghoy
ng mga masama'y aking napakinggan.

12 Tulad ng palmera,
ang taong matuwid tatatag ang buhay,
sedar ang kagaya,
kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.
13 Mga punong natanim
sa tahanan ni Yahweh,
sa Templo ng ating Diyos
bunga nila'y darami.
14 Tuloy ang pagbunga
kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag,
at ang dahon nito ay laging sariwa.
15 Ito'y patotoo
na si Yahweh ay tunay na matuwid,
siya kong sanggalang,
matatag na batong walang karumihan.

Deuteronomio 28:1-14

Ang Pagpapala ng Pagiging Masunurin(A)

28 “Kung(B) susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa. Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.

“Pagpapalain niya kayo sa inyong mga bayan at sa inyong mga bukid.

“Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani sa inyong lupain, at maraming alagang hayop.

“Pagpapalain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon.

“Pagpapalain niya kayo sa lahat ng inyong gagawin.

“Ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa inyo ay matatalo ninyo sa tulong ni Yahweh. Sasalakayin nila kayo ngunit magkakanya-kanya sila sa pagtakas.

“Pagpapalain niya ang inyong mga kamalig at lahat ng inyong gawain; pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo.

“Tulad ng pangako ni Yahweh, kayo'y gagawin niyang isang bansang matatag at nakalaan sa kanya kung susundin ninyo siya at tutuparin ang kanyang mga tuntunin. 10 Sa ganoon makikita ng lahat ng bansa na kayo'y kanyang bayan, at matatakot sila sa inyo. 11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Pararamihin niya ang inyong anak, at mga hayop, at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin. 12 Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa. 13 Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod. Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 14 Huwag ninyong lalabagin ang alinman sa sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong lilihis sa kanan o sa kaliwa. Huwag kayong tatalikod kay Yahweh ni sasamba o maglilingkod sa mga diyus-diyosan.

Efeso 4:17-5:2

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo: huwag na kayong mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, 18 at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. 19 Sila'y naging alipin ng kahalayan at wala na silang kahihiyan. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan.

20 Hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Cristo. 21 Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutunan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. 22 Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at(A) ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.

25 Dahil(B) dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung(C) magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa(D) halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.

Mamuhay Ayon sa Liwanag

Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Mamuhay(E) kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.