Revised Common Lectionary (Complementary)
8 Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
9 Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.
21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
Ang Katapusan ng Paghihirap ng Jerusalem
17 Gumising(A) ka Jerusalem!
Ikaw ay magbangon,
ikaw na umiinom sa kopa ng Diyos na napopoot.
Inubos mo hanggang sa masaid ang laman niyon.
Kaya ikaw ay susuray-suray ngayon.
18 Sa mga anak mo,
wala kahit isang sa iyo'y umaalalay, matapos palakihin,
at wala man lang humahawak sa iyong mga kamay.
19 Dalawang sakuna ang dumating sa iyo;
winasak ng digmaan ang iyong lupain
at nagkagutom ang mga tao.
Wala isa mang umaliw sa iyo.
20 Lupaypay na nakahandusay sa lansangan ang mga tao.
Tulad nila'y usang nahuli sa bitag ng mangangaso;
nadarama nila ang tindi ng poot ni Yahweh, ang galit ng inyong Diyos.
21 Kaya ako'y inyong dinggin, kayong lupasay sa matinding hirap,
at wari'y lasing gayong hindi uminom ng alak,
22 ganito ang sabi ni Yahweh, na inyong Diyos at Tagapagtanggol,
“Aalisin ko na ang kopa ng aking poot sa inyong mga kamay,
at magmula ngayon hindi ka na iinom ng alak na iyan.
23 Aking ililipat ang inuming ito sa inyong mga kaaway,
na nagpahandusay sa inyo sa mga lansangan
at pagkatapos kayo'y tinapakan.”
6 Hindi ito nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya. 7 At(A) hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, “Magmumula kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.” 8 Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos. 9 Sapagkat(B) ganito ang pangako, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at magkakaanak ng isang lalaki si Sara.”
10 At hindi lamang iyon. Kahit na iisa lamang ang ama ng dalawang anak ni Rebecca, na walang iba kundi ang ating ninunong si Isaac, 11-12 ipinakilala(C) ng Diyos na ang kanyang pagpili ay ayon sa sarili niyang layunin at hindi batay sa gawa ng tao. Kaya't bago pa ipanganak ang mga bata, at bago pa sila makagawa ng anumang mabuti o masama, sinabi na ng Diyos kay Rebecca, “Maglilingkod ang mas matanda sa nakababata.” 13 Ayon(D) sa nasusulat, “Minahal ko si Jacob, at kinapootan ko si Esau.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.