Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 92

Awit ng Papuri sa Diyos

Isang Awit para sa Araw ng Pamamahinga.

92 Ang magpasalamat
    kay Yahweh ay mabuting bagay,
umawit na lagi
purihin ang ngalang Kataas-taasan.
Pag-ibig niyang wagas
ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi
ang katapatan niya'y ihayag din naman.
Ito'y ipahayag
sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,
sa magandang himig
ng tugtuging lira'y ipahayag ito.
Ako'y nagagalak
sa iyong ginawa na kahanga-hanga,
sa lahat ng ito
ako'y umaawit dahilan sa tuwa.

O pagkadakila!
Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa,
ang iyong isipan
ay sadyang mahirap naming maunawa.
Sa(A) kapos na isip,
ang bagay na ito ay di nalalaman,
hindi malilirip
ni mauunawa ng sinumang mangmang:
ang mga masama
kahit na dumami't sila ma'y umunlad,
kanilang hantungan
ay tiyak at lubos na kapahamakan;
sapagkat ikaw lang,
Yahweh, ang dakila't walang makatulad.

Nababatid naming
lilipuling lahat ang iyong kaaway,
at lahat ng taong
masama ang gawa ay mapipilan.
10 Ako'y ginawa mong
sinlakas ng torong mailap sa gubat,
ako'y pinagpala't
pawang kagalakan aking dinaranas.
11 Aking nasaksihan
yaong pagkalupig ng mga kaaway,
pati pananaghoy
ng mga masama'y aking napakinggan.

12 Tulad ng palmera,
ang taong matuwid tatatag ang buhay,
sedar ang kagaya,
kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.
13 Mga punong natanim
sa tahanan ni Yahweh,
sa Templo ng ating Diyos
bunga nila'y darami.
14 Tuloy ang pagbunga
kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag,
at ang dahon nito ay laging sariwa.
15 Ito'y patotoo
na si Yahweh ay tunay na matuwid,
siya kong sanggalang,
matatag na batong walang karumihan.

Levitico 26:3-20

“Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ang aking mga utos, pauulanin ko sa tamang panahon at mamumunga nang sagana ang mga punongkahoy sa kaparangan. Kahit(A) tapos na ang panahon ng pitasan ng prutas at panahon ng muling pagtatanim ay gumigiik pa kayo. Sasagana kayo sa pagkain at mamumuhay nang panatag.

“Maghahari ang kapayapaan sa buong lupain at walang gagambala sa inyo. Palalayasin ko ang mababangis na hayop at wala nang dirigma sa inyo. Matatakot sa inyo ang inyong mga kaaway at malulupig ninyo sila sa labanan. Sapat na ang lima sa inyo upang talunin ang sandaang kaaway at ang sandaan para sa sampung libong kaaway. Malulupig ninyo ang inyong mga kalaban. Pagpapalain ko kayo; kayo'y uunlad at darami. Patuloy kong pagtitibayin ang ginawa kong kasunduan sa inyo. 10 Ang inyong ani ay sobra-sobra at tatagal sa mahabang panahon. Sa katunayan, sa dami ng inyong aanihin ay ilalabas ninyo ang mga luma upang maimbak lamang ang mga bagong ani. 11 Maninirahan ako sa kalagitnaan ninyo at hindi ko kayo pababayaan. 12 Ako'y(B) (C) inyong kasama saanman kayo magpunta; ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ang magiging bayan ko. 13 Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo, ang siyang naglabas sa inyo sa Egipto. Pinalaya ko na kayo kaya't wala na kayong dapat ikahiya kaninuman.

Mga Parusa sa Pagsuway(D)

14 “Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin at hindi tutuparin ang mga utos ko, 15 kung tatanggihan ninyo ang aking mga tuntunin at kautusan, kaya't ayaw ninyong sundin ang mga ito at sisirain ninyo ang ginawa kong kasunduan sa inyo, 16 padadalhan ko kayo ng mga sakuna. Makakaranas kayo ng matitinding sakit na magpapalabo ng inyong mata, at magpapahina ng inyong katawan. Hindi ninyo makakain ang pinagpagalan ninyo sapagkat ito'y kakainin ng inyong mga kaaway. 17 Hindi ko kayo gagabayan at pababayaan ko kayong malupig. Hahayaan ko kayong sakupin ng mga taong napopoot sa inyo, at kakaripas kayo ng takbo kahit walang humahabol sa inyo.

18 “Kung sa kabila nito'y hindi pa rin kayo makikinig, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong mga kasalanan. 19 Paparusahan ko kayo dahil sa katigasan ng inyong ulo; hindi ko pauulanin ang langit at matitigang ang lupa. 20 Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagpapagal sapagkat hindi maaanihan ang inyong lupain, at hindi mamumunga ang inyong mga bungangkahoy.

1 Tesalonica 4:1-8

Ang Buhay na Nakalulugod sa Diyos

Kaya nga, mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapakiusap namin at ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon, sang-ayon sa inyong natutunan sa amin, upang kayo'y maging kalugud-lugod sa Diyos. Alam naman ninyo kung ano ang mga katuruang ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Jesus. Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa,[a] at hindi upang masunod lamang ang pagnanasa ng laman tulad ng inaasal ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos. Sa bagay na ito, huwag ninyong gawan ng masama at dayain ang inyong kapatid, sapagkat paparusahan ng Panginoon ang gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng mahigpit naming babala sa inyo noon. Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. Kaya, ang sinumang humamak sa aral na ito ay humahamak, hindi sa tao, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa atin ng kanyang Espiritu Santo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.