Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 75

Diyos ang Siyang Huhusga

Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.

75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
    sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
    upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.

Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
    walang pagtatanging ako ay hahatol.
Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
    maubos ang tao dito sa daigdig,
    ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
“Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
    Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”

Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
    hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
    sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
    sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
    ng taong masama, hanggang sa ubusin.

Subalit ako ay laging magagalak;
    ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
    sa mga matuwid nama'y itataas!

Nahum 1:1-13

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh patungkol sa Nineve sa pamamagitan ni Nahum na isang taga-Elcos.

Ang Poot ni Yahweh sa Nineve

Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin at mapaghiganti;
    si Yahweh ay naghihiganti at napopoot.
Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin;
    kanyang mga kaaway, kanyang pinaparusahan.
Si Yahweh ay hindi madaling magalit
    subalit dakila ang kanyang kapangyarihan;
at tiyak na mananagot ang sinumang sa kanya'y kumalaban.

Bagyo at ipu-ipo ang kanyang dinaraanan;
    ang mga ulap ay kagaya lamang ng alikabok sa kanyang mga paa.
Sa utos lamang niya'y natutuyo ang dagat,
    gayundin ang mga ilog.
Natitigang ang kabukiran ng Bashan at ang Bundok Carmel,
    at nalalanta ang mga bulaklak ng Lebanon.
Nayayanig sa harapan niya ang mga bundok,
    at gumuguho ang mga burol;
ang lupa'y nayayanig sa presensya ni Yahweh,
    at nanginginig ang daigdig, gayundin ang lahat ng naninirahan rito.
Sino ang makakaligtas sa galit ni Yahweh?
    Sino ang makakatagal sa kanyang matinding poot?
Bumubugang parang apoy ang kanyang poot.
    Batong malalaki ay nadudurog dahil sa kanyang galit.

Si Yahweh ay napakabuti;
    matibay na kanlungan sa panahon ng kaguluhan.
Mga nananalig sa kanya'y kanyang inaalagaan.
Tulad ng malaking baha, lubos niyang pupuksain ang kanyang mga kaaway,
    at tutugisin sila hanggang mamatay.
Ano ang binabalak ninyo laban kay Yahweh?
    Wawasakin niya ang kanyang mga kaaway,
    at ang paghihiganti nila'y di na mauulit pa.
10 Tulad ng mga lasenggo, sila'y malulunod sa alak;
    tulad ng sala-salabat na mga tinik at tuyong dayami, kayo ay matutupok sa apoy.

11 Di ba sa inyo nagmula ang taong nagbalak ng masama at nanghikayat na magtaksil sa kanya? 12 Sabi niya sa kanyang bansang Israel, “Kahit na malakas at marami ang mga taga-Asiria, mawawasak sila at maglalaho. Kahit na pinahirapan ko kayo noon, ito'y hindi ko na uulitin. 13 At ngayon nga, wawakasan ko na ang pagpapahirap sa inyo ng Asiria at palalayain ko na kayo sa pagkaalipin.”

Pahayag 14:12-20

12 Ito'y panawagan na magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat kay Jesus.

13 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo: Mula ngayon, pinagpala ang mga namamatay na naglilingkod sa Panginoon!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga silang pinagpala! Magpapahinga na sila sa kanilang mga pagpapagal; sapagkat sinusundan sila ng kanilang mga gawa.”

Ang Pag-aani

14 Tumingin(A) uli ako, at nakita ko ang isang puting ulap, at nakaupo rito ang isang kamukha ng anak ng tao, may suot na koronang ginto at may hawak na isang matalim na karit. 15 Isa(B) pang anghel ang lumabas mula sa templo at nagsalita nang malakas sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit, gumapas ka na sapagkat panahon na; hinog na ang aanihin sa lupa!” 16 Ginamit nga ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapas niya ang anihín sa lupa.

17 At isa pang anghel ang nakita kong lumabas mula sa templo sa langit; may hawak din itong matalim na karit. 18 Lumabas naman mula sa dambana ang isa pang anghel. Siya ang namamahala sa apoy sa dambana. Sinabi niya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang iyong karit, at anihin mo ang mga ubas sa lahat ng ubasan sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito!” 19 Kaya't ginamit ng anghel ang kanyang karit, inani ang mga ubas, at inihagis sa pisaan ng matinding poot ng Diyos. 20 Pinisa(C) sa labas ng lungsod ang mga ubas at mula sa pisaan ay bumaha ng dugo. Ang lawak ng baha ay umabot hanggang tatlong daang (300) kilometro, at limang talampakan ang lalim.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.