Revised Common Lectionary (Complementary)
Paghahangad na Sundin ang Kautusan ni Yahweh
(Pe)
129 Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo;
lahat aking iingata't susundin nang buong puso.
130 Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
131 Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
na matamo yaong aking minimithing kautusan.
132 Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin,
at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin.
133 Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang
mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay.
134 Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin,
iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin.
135 Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
136 Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira.
28 Kaya't nagsalita si Haring David, “Tawagin ninyo si Batsheba.” Paglapit ni Batsheba 29 ay sinabi ng hari, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel[a] na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway! 30 Nanumpa ako noon sa pangalan niya, na ang anak mong si Solomon ang siyang hahalili sa akin. Tutuparin ko ngayon ang aking pangako.”
31 Nagpatirapa si Batsheba sa harapan ng hari bilang paggalang. “Mabuhay ang Haring David magpakailanman,” sabi niya.
32 Pagkatapos, sinabi ni Haring David: “Tawagin ninyo ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias.” Kaya't humarap sa hari ang mga tinawag. 33 Sila naman ang inutusan ng hari, “Isama ninyo ang aking mga opisyal, pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking sariling mola at samahan ninyo siya patungo sa Gihon. 34 Bubuhusan siya roon ng langis bilang hari ng Israel ng paring si Zadok at ng propetang si Natan. Pagkatapos ay hipan ninyo ang trumpeta at isigaw ninyo, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35 Sundan ninyo siya pabalik dito at paupuin sa aking trono, sapagkat siya ang papalit sa akin bilang hari. Siya ang aking pinili na magiging hari sa Israel at sa Juda.”
36 Sumagot si Benaias, “Matutupad po! At pagtibayin nawa ito ni Yahweh, ang Diyos ng mahal na hari. 37 At kung paanong pinagpala ni Yahweh ang mahal kong hari, nawa'y pagpalain din niya si Solomon. Nawa'y maging mas dakila ang kanyang paghahari kaysa paghahari ng mahal kong haring si David.”
14 Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak. 15 Kahit magkaroon pa kayo ng napakaraming tagapagturo sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging mga anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. 16 Kaya't(A) isinasamo ko sa inyo, tularan ninyo ako.
17 Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang mga patakaran ko sa buhay sa pagsunod kay Cristo Jesus.[a] Ang mga patakaran ding iyon ang itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako.
18 Nagmamalaki ang ilan sa inyo dahil ang akala nila'y hindi na ako pupunta riyan. 19 Ngunit kung loloobin ng Panginoon, ako'y pupunta riyan sa lalong madaling panahon. Titingnan ko kung anong kapangyarihan ang ipinagmamalaki ng mga iyan, at hindi lamang ang kanilang sinasabi. 20 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.