Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Mapagpakumbabang Dalangin
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
2 Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
3 Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!
10 Pagkarinig niyon, kinuha ni Propeta Hananias ang pamatok na nasa batok ni Jeremias at binali ito. 11 Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon: “Sinasabi ni Yahweh na ganito ang gagawin niya sa mga pamatok na inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa lahat ng bansa, at ito'y gagawin niya sa loob ng dalawang taon.” At umalis na si Propeta Jeremias.
12 Pagkalipas ng kaunting panahon mula nang baliin ni Propeta Hananias ang pamatok ni Propeta Jeremias, kinausap ni Yahweh si Jeremias: 13 “Pumunta ka kay Hananias at sabihin mo: Nabali mo nga ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko ito ng bakal. 14 Lalagyan ko ng pamatok na bakal ang lahat ng bansang ito upang sila'y maglingkod kay Haring Nebucadnezar, at ito'y siguradong magaganap sapagkat maging hayop sa parang ay ipinasakop ko sa kanya.” 15 At sinabi pa ni Propeta Jeremias, “Hananias, hindi ka sinugo ni Yahweh, at pinapaniwala mo ang mga taong ito sa isang kasinungalingan. 16 Kaya ang sabi ni Yahweh: ‘Ikaw ay mawawala sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito, sapagkat tinuruan mo ang bayan na maghimagsik laban kay Yahweh!’”
17 At noong ikapitong buwan ng taóng iyon, si Propeta Hananias ay namatay nga.
3 Kung gayon, paano nakakalamang ang Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli? 2 Napakarami! Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga pahayag ng Diyos. 3 Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig kayang sabihin niyon ay hindi na rin tapat ang Diyos? 4 Hinding-hindi!(A) Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao. Ayon nga sa nasusulat,
“Kapag ikaw ay nagsalita, mapapatunayan kang matuwid
at kung ikaw ay hahatulan, ikaw ay mananaig.”
5 Ngunit kung ang kasamaan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, masasabi ba nating hindi siya makatarungan dahil tayo'y pinaparusahan niya? (Ganyan ang pangangatuwiran ng tao.) 6 Hinding-hindi! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan?
7 Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kaluwalhatian ng Diyos, sapagkat lalong nakikilala na siya'y tapat, bakit pa niya ako paparusahan bilang isang makasalanan? 8 Kung gayon, bakit nga hindi natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama kung mabuti naman ang magiging bunga nito”? Ganyan daw ang itinuturo namin, sabi ng mga naninira sa amin. Sila'y paparusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.