Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 65:1-8

Pagpupuri at Pagpapasalamat

Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

65 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,
    dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
    pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.
Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
    Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,
    gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,
    silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!
Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,
    dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.

Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,
    sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.
Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,
    may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;
    dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,
    pati along malalaki sa panahong nagngangalit;
    maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,
    natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.
Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,
    buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.

Mga Awit 65:9-13

Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
    umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.
Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
    sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10     Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
    ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,
    kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,
    at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
    naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
    at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.
Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!

Isaias 48:6-11

“Lahat ng pahayag ko ay pawang natupad,
    inyo nang kilalanin ang katotohanan nito.
Ngayo'y may ihahayag akong bago,
    mga bagay na hindi ko inihayag noon.
Ngayon ko pa lamang ito gagawin;
    wala pang pangyayaring katulad nito noon
para hindi ninyo masabing ito'y alam na ninyo.
Alam kong hindi kayo mapagkakatiwalaan,
    sapagkat lagi na lamang kayong naghihimagsik.
Kaya tungkol dito'y wala kayong alam,
    kahit kapirasong balita'y walang natatanggap.

“Dahil na rin sa karangalan ko,
    ako ay nagpigil,
    dahil dito'y hindi ko na kayo lilipulin.
10 Sinubok ko kayo sa pamamagitan ng kahirapan,
    kung paanong ang pilak ay dinadalisay sa apoy;
ngunit kayo'y napatunayang hindi nararapat.
11 Ang ginawa ko'y para na rin sa sariling kapakanan,
    paghamak sa ngalan ko'y hindi ko pahihintulutan.
Ang karangalan ko'y tanging akin lamang,
    walang makakahati kahit na sinuman.”

Roma 15:14-21

Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo

14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at punô ng kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. 15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus at gumanap ng tungkulin gaya ng isang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal ng Espiritu Santo. 17 Kaya't sa pakikiisa ko kay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking paglilingkod sa Diyos. 18 Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, 19 sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[a] Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. 21 Subalit(A) tulad ng nasusulat,

“Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya.
    Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.