Revised Common Lectionary (Complementary)
Kinausap ni Yahweh si Elias
9 Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano'y nagsalita sa kanya si Yahweh, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
10 Sumagot(A) si Elias, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa inyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”
11 Ganito ang sagot sa kanya: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito'y dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh. 12 Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat si Yahweh. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.
13 Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng kuweba. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi, “Elias, anong ginagawa mo rito?”
14 Sumagot siya, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lamang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa iyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”
15 Sinabi(B) sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka sa ilang na malapit sa Damasco. Pagkatapos, pumasok ka sa lunsod at buhusan mo ng langis si Hazael bilang hari ng Siria; 16 at(C) si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari naman ng Israel. Buhusan mo rin ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola bilang propeta na hahalili sa iyo. 17 Ang makaligtas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu. Ang makaligtas naman sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo. 18 Ngunit(D) pitong libo sa Israel ang ililigtas ko, ang mga taong hindi lumuluhod kay Baal at hindi humahalik sa kanyang imahen.”
8 Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
9 Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.
Ang Kaligtasan ay para sa Lahat
5 Ganito(A) ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.” 6 Ngunit(B) ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” upang pababain si Cristo. 7 “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababâ sa kailaliman?’” upang muling buhayin si Cristo. 8 Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang mensahe, nasa iyong bibig at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. 9 Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi(C) nga ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, 13 dahil(D) sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? 15 At(E) paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!”
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
22 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. 23 Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. 24 Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. 27 Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!”
28 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, papuntahin mo ako diyan sa kinaroroonan mo sa ibabaw ng tubig.”
29 Sumagot siya, “Halika.”
Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin,[a] siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya.
31 Agad siyang hinawakan ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro.
32 Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin 33 at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.