Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 85:8-13

Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
    sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
    kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
    sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
    ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
    mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
    ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
    kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.

1 Mga Hari 18:17-19

17 Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, “Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?”

18 “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama. Sapagkat sinusuway ninyo ang mga utos ni Yahweh at ang pinaglilingkuran ninyo'y ang mga imahen ni Baal. 19 Ngayo'y tipunin ninyo ang buong Israel at ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ni Ashera na pinapakain ni Jezebel, at magtutuos kami sa Bundok ng Carmel,” sagot ni Elias.

1 Mga Hari 18:30-40

30 Nagsalita si Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang altar ni Yahweh na matagal nang gumuho. 31 Kumuha(A) siya ng labindalawang bato, katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ni Yahweh ng pangalang Israel. 32 Ang mga bato'y ginawa niyang altar para kay Yahweh. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na maaaring maglaman ng dalawang baldeng tubig. 33 Isinalansan niya ang mga kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Ganoon nga ang ginawa nila. 34 “Buhusan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binuhusan nila. “Isa pang buhos,” utos uli ni Elias. Tatlong beses nga nilang binuhusan ang handog hanggang sa 35 umagos ang tubig sa paligid ng altar at umapaw sa kanal.

36 Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng altar at nanalangin, “Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito sapagkat ito ang inyong utos. 37 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh, upang malaman ng bayang ito na kayo lang ang Diyos at nais ninyo silang magbalik-loob.”

38 Noon di'y nagpababa ng apoy si Yahweh at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. 39 Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpatirapa sila at sumigaw, “Si Yahweh ang Diyos! Si Yahweh lang ang Diyos!”

40 Iniutos ni Elias, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Hinuli nga sila ng mga mamamayan at dinala ni Elias sa batis ng Kison, at pinagpapatay doon.

Mga Gawa 18:24-28

Si Apolos sa Efeso at sa Corinto

24 Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos. Siya'y taga-Alejandria, mahusay magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. 25 Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Jesus. Ngunit hanggang sa bautismo ni Juan lamang ang kanyang nalalaman. 26 Siya'y buong tapang na nagsasalita sa sinagoga ng mga Judio. Nang marinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, siya'y isinama nila sa kanilang bahay at doo'y pinaliwanagan nang mas mabuti tungkol sa Daan ng Diyos. 27 At nang ipasya niyang pumunta sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sumulat sila sa mga mananampalataya sa Acaya na tanggapin si Apolos. Pagdating niya doon, malaki ang naitulong niya sa mga taong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay sumampalataya, 28 sapagkat nadaig niya ang mga Judio sa kanilang pagtatalo sa harap ng madla. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Jesus ang Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.