Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Tagumpay ni David(A)
Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.
18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
ikaw ang aking kalakasan!
2 Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
3 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!
20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.
25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.
28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
upang tanggulan nito ay aking maagaw.
30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
3 Sinabi sa kanila ni Samuel, “Kung talagang buong pusong nanunumbalik na kayo kay Yahweh, alisin ninyong lahat ang mga diyus-diyosan at ang imahen ni Astarte. Italaga ninyo kay Yahweh ang inyong sarili at siya lamang ang inyong paglingkuran. Kapag ginawa ninyo ito, ililigtas niya kayo sa kapangyarihan ng mga Filisteo.” 4 Kaya, itinapon ng mga Israelita ang kanilang mga imahen nina Baal at Astarte, at si Yahweh na lamang ang kanilang sinamba.
5 Sinabi pa ni Samuel, “Tipunin ninyo sa Mizpa ang buong Israel at doo'y ipapanalangin ko kayo kay Yahweh.”
6 Nang matipon sila sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harapan ni Yahweh bilang handog. Maghapon silang nag-ayuno at nanangis ng ganito: “Nagkasala kami kay Yahweh.” Doon sa Mizpa ay nanungkulan si Samuel bilang hukom sa sambayanang Israel.
7 Nabalitaan ng mga Filisteo ang pagkakatipon ng mga Israelita, kaya't humanda sila upang digmain ang Israel. Natakot ang mga Israelita nang mabalitaan nilang sasalakayin sila ng mga Filisteo. 8 Sinabi nila kay Samuel, “Huwag kang titigil sa pagtawag kay Yahweh upang iligtas kami sa mga Filisteo.” 9 Nagpatay(A) si Samuel ng isang pasusuhing tupa at sinunog niya ito nang buo bilang handog kay Yahweh. Nanalangin siya na tulungan ang Israel, at dininig naman ni Yahweh ang kanyang panalangin. 10 Samantalang naghahandog si Samuel, palapit naman nang palapit ang mga Filisteo. Ngunit ginulo sila ni Yahweh sa pamamagitan ng malalakas na kulog at nagapi sila ng mga Israelita. 11 Mula sa Mizpa, hinabol ng mga Israelita ang mga Filisteo hanggang sa Beth-car, at pinapatay nila ang bawat mahuling kalaban.
12 Pagkatapos, naglagay si Samuel ng isang malaking bato sa pagitan ng Mizpa at ng Sen bilang alaala. Tinawag niya itong Ebenezer na ang ibig sabihi'y, “Tinulungan kami ni Yahweh hanggang dito.” 13 Natalo nila ang mga Filisteo at hindi na nangahas pang magbalik ang mga ito sa lupaing sakop ng Israel.
Matuwid ang Hatol ng Diyos
2 Kaya(A) nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. 2 Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. 3 Hinahatulan mo ang mga gumagawa ng mga bagay na ginagawa mo rin. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa hatol ng Diyos? 4 O(B) hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya'y napakabait, matiisin, at mapagpasensya? Hindi mo ba alam na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo upang magsisi at tumalikod sa kasalanan? 5 Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos. 6 Sapagkat(C) igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. 7 Buhay na walang hanggan ang ibibigay niya sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, at naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. 8 Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sumusunod sa kasamaan. 9 Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil. 10 Ngunit kapurihan, karangalan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil 11 sapagkat(D) walang kinikilingan ang Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.