Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ng Isang Mabuting Tao
Katha ni David.
26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
2 Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
3 Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
4 Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
5 Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.
6 Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
7 Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.
8 Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
13 Ang sabi ko naman, “Panginoong Yahweh, alam mong sinasabi ng mga propeta na hindi magkakaroon ng digmaan o taggutom, sapagkat iyong ipinangako na kapayapaan lamang ang mararanasan sa buong bayan.”
14 Subalit ganito ang sagot ni Yahweh: “Pawang kasinungalingan ang sinasabi ng mga propetang iyan; hindi ko sila sinugo, inutusan, o kinausap man. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi sa inyo ay hindi galing sa akin, kundi pawang kathang-isip lamang nila. 15 Ito ang gagawin ko sa mga propetang hindi ko sinugo ngunit nagpapahayag sa aking pangalan at nagsasabing hindi daranas ng taggutom ang lupain—lilipulin ko sila sa pamamagitan ng digmaan at taggutom. 16 Pati ang mga taong pinagsabihan nila ng mga bagay na ito ay masasawi sa digmaan at sa taggutom. Itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem ang kanilang mga bangkay, at walang maglilibing sa kanila. Ganyan ang mangyayari sa kanilang lahat kasama ang kanilang mga asawa't mga anak. Pagbabayarin ko sila sa kanilang kasamaan.”
17 Inutusan ni Yahweh si Jeremias na ipaalam sa bayan ang kanyang kalungkutan; at sabihin,
“Araw-gabi'y hindi na ako titigil ng pag-iyak;
sapagkat malalim ang sugat ng aking bayan,
sila'y lubhang nasaktan.
18 Kapag lumabas ako sa kabukiran,
nakikita ko ang mga nasawi sa digmaan;
kapag ako'y pumunta sa mga bayan,
naroon naman ang mga taong namamatay sa gutom.
Patuloy sa kanilang gawain ang mga propeta at mga pari,
subalit hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa.”
Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. 2 Mamuhay(A) kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.
3 Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot. 4 Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos. 5 Alam ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim. Ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan.
6 Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.