Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Tagumpay ni David(A)
Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.
18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
ikaw ang aking kalakasan!
2 Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
3 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!
20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.
25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.
28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
upang tanggulan nito ay aking maagaw.
30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
Isang Batong Saligan para sa Zion
14 Kaya't ngayon ay dinggin ninyo si Yahweh, kayong mga walang galang na pinuno,
na namamahala sa Lunsod ng Jerusalem.
15 Sapagkat(A) sinabi ninyo, “Nakipagkasundo na kami sa kamatayan,
gayundin sa daigdig ng mga patay.
Kaya hindi na kami mapapahamak
dumating man ang malagim na sakuna;
ginawa na naming kuta ang kasinungalingan,
at pandaraya ang aming kanlungan.”
16 Ito(B) ngayon ang sinasabi ng Panginoong Yahweh:
“Naglalagay ako sa Zion ng batong-panulukan,
subok, mahalaga, at matatag na pundasyon;
‘Ang magtiwala rito'y hindi mapapahiya.’
17 Gagawin kong panukat ang katarungan,
at pamantayan ang katuwiran;
wawasakin ng bagyo
at aanurin ng baha ang lahat ng silungan ng kasinungalingan.”
18 Ang pakikipagkasundo mo sa kamatayan
at sa daigdig ng mga patay ay mawawalan ng bisa at masisira,
at kapag dumating ang baha,
lahat kayo'y matatangay.
19 Araw-araw, sa umaga't gabi
ang bahang ito'y daraan at kayo'y tatangayin;
maghahasik ito ng sindak at takot
upang maunawaan ang mensahe nito.
20 Sapagkat mangyayari sa inyo ang isinasaad ng kasabihan:
‘Maikli ang kamang inyong higaan,
at makitid ang kumot para sa katawan.’
21 Sapagkat(C) tulad ng ginawa sa Bundok ng Perazim,
tatayo si Yahweh at ipadarama ang kanyang galit;
tulad din ng ginawa niya sa Libis ng Gibeon,
gagawin niya ang kanyang magustuhan kahit hindi siya maunawaan,
at tanging siya lang ang nakakaalam.
22 Kaya huwag ka nang magyabang,
baka ang gapos mo ay lalong higpitan.
Sapagkat narinig ko na ang utos ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
na wasakin ang buong lupain.
Binuhusan ng Pabango si Jesus(A)
6 Noong nasa Bethania si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin, 7 lumapit(B) sa kanya ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango. Ibinuhos ito sa ulo ni Jesus habang siya'y nakaupo sa may hapag. 8 Nagalit ang mga alagad nang makita ito. “Bakit inaksaya ang pabango?” tanong nila. 9 “Naipagbili sana iyon sa malaking halaga at naibigay sa mga mahihirap ang pinagbilhan!”
10 Alam ni Jesus ang iniisip nila kaya't sinabi niya, “Bakit ninyo ginugulo ang babaing ito? Mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. 11 Sapagkat(C) palagi ninyong makakasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo makakasama palagi. 12 Binuhusan niya ako ng pabango bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. 13 Tandaan ninyo, saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, babanggitin ang ginawa niyang ito bilang pag-alaala sa kanya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.