Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel
Isang Maskil[a] ni Asaf.
78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
2 Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
3 Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
4 Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.
5 Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
6 Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
7 Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
8 Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.
17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18 Sadya(A) nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19 Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
“Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20 Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”
21 Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,
sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
22 Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,
sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga(B) nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
2 Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron. 3 Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”
4 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin. 5 Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”
6 Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto. 7 At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.” 8 Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?”
9 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Paharapin mo ang buong bayan kay Yahweh sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo.” 10 Nang sabihin ito ni Aaron, ang buong bayan ay humarap kay Yahweh, sa gawi ng disyerto, at bigla na lamang nilang nakita sa ulap ang kaluwalhatian ni Yahweh. 11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo'y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.”
13 Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. 14 Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig. 15 Hindi(B) nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?”
Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh.
31 Manna[a] (A) ang itinawag ng mga Israelita sa pagkaing pinupulot nila. Ito'y parang buto ng kulantro, maputi at lasang galyetas na minasa sa pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Kumuha kayo ng kalahating salop ng manna. Itatago ninyo ito upang makita ng inyong magiging mga anak at mga apo ang pagkaing ibinigay ko sa inyo nang ilabas ko kayo sa Egipto.’” 33 Sinabi(B) naman ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo ng kalahating salop na manna. Pagkatapos, ialay mo sa harapan ni Yahweh upang itago para sa ating magiging mga anak at mga apo.” 34 Gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises, inilagay ni Aaron sa loob ng Kaban ng Tipan ang palayok ng manna. 35 Manna(C) ang kinain ng mga Israelita sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa dumating sila sa Canaan.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.”
33 Sinabi naman ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?”
34 “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus sa kanila.
“Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda,” sagot nila.
35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 37 Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. 38 May apat na libong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.
39 Nang napauwi na ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at nagtungo sa lupain ng Magadan.[a]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.