Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Ang Pagbagsak ng Hari ng Tiro
11 Sinabi sa akin ni Yahweh: 12 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang sasapitin ng hari ng Tiro. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ikaw ay larawan ng kasakdalan. Puspos ng kaalaman. Ang ganda mo'y walang kapintasan. 13 Tulad mo'y nasa paraiso ng Diyos, sa hardin ng Eden. Nababalot ka ng iba't ibang uri ng batong mamahalin: sardiyo, topaz at diyamanteng nagniningning; berilo, onise at jasper na walang kahambing; safiro, esmeralda at karbungko. Ginto ang iyong enggasto. At ang pagkaukit dito ay inihanda noong una pa, nang isilang ka sa mundo. 14 Kerubin ang itinalaga kong magbabantay sa iyo. Nasa ituktok ka ng aking banal na bundok. Ang nilalakaran mo'y mga batong kumikinang. 15 Wala kang kapintasan mula pa nang isilang hanggang sa maisipan mong mamuhay sa kasamaan. 16 Nang lumakas ang kalakal mo, natuto kang sumuway at namuhay sa kasalanan. Kaya, ipinagtabuyan ka mula sa aking banal na bundok. Pinalayas ka ng kerubin sa kinatatayuan mong mga batong kumikinang. 17 Naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Ginamit mo sa kasamaan ang iyong karunungan para mapatatag ang iyong katayuan. Kaya ibinagsak kita sa lupa upang maging babala sa ibang mga bansa. 18 Dahil sa masamang pamamaraan ng iyong pangangalakal, nasalaula ang Templo at nadumihan. Kaya ipinatupok kita sa apoy. Nilamon ka nga nito at nakita ng lahat na ikaw ay naging abo. 19 Katapusan mo na. Mawawala ka na nang lubusan. Lahat ng bansang nakakakilala sa iyo ay takot na takot na matulad sila sa iyong sinapit.”
Ayusin ang Awayan ng Kapatiran
6 Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kanyang kapatid sa pananampalataya, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na di-mananampalataya, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! 4 Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? 5 Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? 6 Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga di-mananampalataya?
7 Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? 8 Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. 9 Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, 10 nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. 11 Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.