Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 56:1

Ang Lahat ng Bansa ay Mapapasama sa Bayan ng Diyos

56 Ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:

“Panatilihin ang katarungan at gawin ang tama,
sapagkat ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal,
    at ang aking tagumpay ay mahahayag na.

Isaias 56:6-8

Ito naman ang sabi ni Yahweh sa mga dating dayuhan na ngayo'y kabilang sa kanyang bayan,
    buong pusong naglilingkod sa kanya,
iginagalang ang Araw ng Pamamahinga,
    at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
“Dadalhin(A) ko kayo sa banal na bundok.
    Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Malulugod ako sa inyong mga handog;
at ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
Ipinangako pa ng Panginoong Yahweh,
    sa mga Israelitang ibinalik niya mula sa pagkatapon,
na marami pa siyang isasama sa kanila
    para mapabilang sa kanyang bayan.

Mga Awit 67

Awit ng Pagpapasalamat

Isang Awit na kinatha upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

67 O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
    kami Panginoo'y iyong kaawaan, (Selah)[a]
upang sa daigdig mabatid ng lahat
    ang iyong kalooban at ang pagliligtas.

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
    purihin ka nila sa lahat ng dako.

Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
    pagkat matuwid kang humatol sa madla;
    ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. (Selah)[b]

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
    purihin ka nila sa lahat ng dako.

Nag-aning mabuti ang mga lupain,
    pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin!

Magpatuloy nawa iyong pagpapala
    upang igalang ka ng lahat ng bansa.

Roma 11:1-2

Kinahabagan ng Diyos ang Israel

11 Ito(A) ngayon ang tanong ko: Itinakwil ba ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Sa katunayan, ako man ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin. Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel.

Roma 11:29-32

29 Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. 30 Noon, kayong mga Hentil ay hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon, kayo ay tumanggap ng habag ng Diyos nang sumuway ang mga Judio. 31 Gayundin naman, dahil sa habag ng Diyos na inyong naranasan, sinusuway naman ngayon ng mga Judio ang Diyos, nang sa gayo'y maranasan din nila [ngayon][a] ang kanyang habag. 32 Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama niya sa kanila ang kanyang habag.

Mateo 15:10-20

Ang Nagpaparumi sa Tao(A)

10 Pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo at unawain ang aking sasabihin. 11 Ang lumalabas sa bibig ng tao, hindi ang pumapasok, ang siyang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos.”

12 Pagkatapos, lumapit naman ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Hindi po ba ninyo alam na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?”

13 Sumagot siya, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. 14 Hayaan(B) ninyo sila. Sila'y mga bulag na taga-akay [ng mga bulag;][a] at kapag bulag ang umakay sa kapwa bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”

15 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinghagang [ito.]”[b]

16 At sinabi ni Jesus, “Pati ba kayo'y wala ring pang-unawa? 17 Hindi ba ninyo nalalaman na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at pagkatapos ay idinudumi? 18 Ngunit(C) ang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Iyan ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri. 20 Iyan ang nagpaparumi sa tao sa paningin ng Diyos. Hindi nagiging marumi ang isang tao kung siya man ay kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay.”

Mateo 15:21-28

Ang Pananalig ng Isang Cananea(A)

21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.”

23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin.” 24 Sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.”

26 Sumagot si Jesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.”

27 “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,” tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di'y gumaling ang kanyang anak.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.