Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ng Isang Mabuting Tao
Katha ni David.
26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
2 Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
3 Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
4 Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
5 Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.
6 Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
7 Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.
8 Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
Dumaing kay Yahweh si Jeremias
10 Napakahirap ng kalagayan ko! Bakit pa ba ako isinilang sa daigdig na ito? Lagi akong may kaaway at kalaban sa buong lupain. Hindi ako nagpautang, o kaya'y nangutang; gayunman, nilalait ako ng lahat. 11 Yahweh, mangyari nawa ang kanilang mga sumpa sa akin kung hindi kita pinaglingkurang mabuti, at kung hindi ako nakiusap sa iyo para sa aking mga kaaway nang sila'y naghihirap at naliligalig. 12 Walang makakabali sa bakal, lalo na kung ang bakal ay mula sa hilaga, sapagkat ito'y hinaluan ng tanso.
13 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Pababayaan kong agawin ng mga kaaway ang mga kayamanan at ari-arian ng aking bayan, bilang parusa sa mga kasalanang kanilang nagawa sa buong lupain. 14 At sila'y magiging mga alipin ng kanilang kaaway, sa isang lupaing hindi nila alam, sapagkat ang poot ko'y parang apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”
Maraming Pinagaling si Jesus(A)
14 Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon ang babae at naglingkod kay Jesus.
16 Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. 17 Sa(B) gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling ang ating mga karamdaman.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.