Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 18:1-3

Awit ng Tagumpay ni David(A)

Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.

18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
    ikaw ang aking kalakasan!
Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
    ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
    tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Kay Yahweh ako'y tumatawag,
    sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!

Mga Awit 18:20-32

20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
    binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
    hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
    mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
    paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
    sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.

25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
    at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
    ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
    ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.

28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
    inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
    upang tanggulan nito ay aking maagaw.

30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
    at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
    at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
    tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
    sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.

Deuteronomio 32:18-20

18 Iniwan ninyo ang batong tanggulan na sa inyo'y nagdalang-tao,
    kinalimutan ninyo ang Diyos na tunay na sa inyo ay nagbigay-buhay.

19 “Nang makita ni Yahweh ang ginawa nilang ito, napuspos siya ng galit,
    poot niya'y nag-alimpuyo laban sa mga anak na inari niyang totoo.
20 ‘Kaya't ako'y lalayo,’ ang sabi niya,
‘Kanilang mga dalangin di na diringgin pa,
    tingnan ko lang ang kanilang sasapitin—
isang lahing suwail, mga anak na taksil.

Deuteronomio 32:28-39

28 “Sila'y isang bansang salat sa katuwiran,
    isang bayang wala ni pang-unawa man.
29 Kung sila'y matalino, naunawaan sana nila nangyaring pagkatalo.
    Kung bakit sila nagapi, sasabihin nila ito:
30 Paano matutugis ng isa ang sanlibo?
    O ang sampung libo ng dalawa katao?
Sila'y pinabayaan ng kanilang batong tanggulan
    na sa kanila'y nagtakwil at nang-iwan.
31 Tunay ngang tanggulan nila'y hindi tulad ng sa atin;
    maging ating mga kaaway ito rin ang sasabihin.
32 Sila ay sanga ng ubasan ng Sodoma, mga nagmula sa taniman ng Gomorra;
    mga ubas nila'y tunay na lason at mapakla.
33 Ang alak na dito'y kinakatas,
    ay gaya ng mabagsik na kamandag ng ahas.

34 “Hindi ba't iniingatan ko ito sa aking kaban,
    natatakpang mahigpit sa aking taguan?
35 Akin(A) ang paghihiganti, ako ang magpaparusa;
    kanilang pagbagsak ay nalalapit na.
Araw ng kapahamakan sa kanila'y darating,
    lubos na pagkawasak ay malapit ng sapitin.
36 Bibigyan(B) ng katarungan ni Yahweh ang kanyang bayan,
    mga lingkod niyang hirang kanyang kahahabagan.
Kapag nakita niyang sila'y nanghihina,
    at lakas nila'y unti-unting nawawala.
37 Pagkatapos itatanong ng Diyos sa kanyang bayan,
    ‘Nasaan ngayon ang inyong mga diyos,
tanggulang inyong pinagkatiwalaan?
38 Sinong umubos sa taba ng inyong handog,
    at sino ang uminom ng alak ninyong kaloob?
Bakit hindi ninyo sila tawagin at tulong ay hingin?
    Hindi ba nila kayo kayang sagipin?

39 “‘Alamin ninyong ako ang Diyos—Oo, ako lamang.
Maliban sa akin ay wala nang iba pa.
Ako'y pumapatay at nagbibigay-buhay,
    ako'y sumusugat at nagpapagaling din naman.
Wala nang makakapigil, anuman ang aking gawin.

Roma 11:33-36

Papuri sa Diyos

33 Lubhang(A) napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat,

34 “Sino(B) ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon?
    Sino ang maaaring maging tagapayo niya?
35 Sino(C) ang nakapagbigay ng anuman sa kanya
    na dapat niyang bayaran?”

36 Sapagkat(D) ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.