Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
15 Ipinapasabi nga ito ni Yahweh: “Kapag naihulog na ito sa daigdig ng mga patay, pababayaan ko siyang lumubog sa tubig sa ilalim ng lupa. Pipigilin ko ang agos ng mga tubig para hindi ito umagos sa ibabaw ng lupa. Dahil sa pagkamatay ng kahoy, babalutin ko ng kadiliman ang Bundok Lebanon at malalanta ang mga kahoy doon. 16 Ang mga bansa'y mayayanig sa lakas ng kanyang pagbagsak sa daigdig ng mga patay. Dahil dito, masisiyahan ang mga kahoy sa walang hanggang kalaliman, ang pinakapiling punongkahoy sa Eden at ang mga piling sedar ng Lebanon. 17 Pare-pareho silang dadalhin sa daigdig ng mga patay para doon sila magsama-sama ng mga namatay na. Anupa't ang lahat ng sumilong sa kanya ay mangangalat sa iba't ibang bansa.
18 “Alin sa mga punongkahoy ng Eden ang maitutulad sa karangalan at kapangyarihan nito? Gayunman, ihuhulog siya sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga punongkahoy ng Eden. Isasama siya sa mga napatay sa digmaan. Ang kahoy na ito ay ang Faraon at ang kanyang mga tauhan.”
12 Hindi kami nangangahas na ipantay o ihambing man lamang ang aming sarili sa ilang nagbubuhat ng sariling bangko. Napakahangal nila! Ang sarili rin nila ang ginagawa nilang sukatan at pamantayan ng kanilang sarili! 13 Hindi kami lalampas sa hangganang ibinigay ng Diyos para sa gawaing itinakda niya sa amin, at kasama riyan ang gawain namin sa inyo. 14 Hindi kami lumampas sa hangganang iyon gayong kami ang unang pumunta riyan sa inyo dala ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 15 Hindi kami lumalampas sa hangganan sa pamamagitan ng pagyayabang sa pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kaming tatatag ang inyong pananampalataya sa Diyos, at dahil diyan ay lalawak pa ang aming saklaw sa inyo. 16 Sa gayon, maipapangaral namin ang Magandang Balita sa ibang mga lupain, hindi lamang sa inyo, nang hindi ipinagyayabang ang pinaghirapan ng iba.
17 Tulad(A) ng sinasabi sa kasulatan, “Kung may nais magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang ginawa ng Panginoon.” 18 Hindi ang taong pumupuri sa sarili ang katanggap-tanggap, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.