Add parallel Print Page Options

Ang Labis na Kasamaan sa Sodoma

19 Nang gabing dumating sa Sodoma ang dalawang anghel, nakaupo si Lot sa may pintuan ng lunsod. Pagkakita sa kanila'y tumayo si Lot at sinalubong sila. Nagpatirapa siya sa harapan ng mga anghel. “Mga ginoo,” wika niya, “inaanyayahan ko po kayo sa amin. Doon na kayo maghugas ng paa at magpalipas ng gabi. Bukas na ng umaga kayo magpatuloy ng paglalakbay.”

Ngunit sumagot sila, “Huwag na, dito na lang kami sa lansangan magpapalipas ng gabi.”

Ngunit pinilit niya ang mga ito kaya sumama na rin sila sa kanya. Nagluto si Lot ng tinapay na walang pampaalsa, naghanda ng masarap na hapunan at kumain sila.

Nang matutulog na sila, pinaligiran ng mga lalaking taga-Sodoma ang kanyang bahay. Lahat ng kalalakihan sa lunsod, bata at matanda ay naroon. Pasigaw(A) nilang tinanong si Lot, “Nasaan ang mga panauhin mong lalaki? Ilabas mo't makikipagtalik kami sa kanila!”

Lumabas si Lot at isinara ang pinto. Sinabi niya sa mga tao, “Huwag, mga kaibigan, napakasama ng gagawin ninyong iyan. Ako'y may dalawang anak na dalaga, sila na lang ang ibibigay ko sa inyo at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo, huwag lamang ninyong galawin ang mga lalaking ito. Mga panauhin ko sila at dapat ko silang ingatan.”

Ngunit sumigaw sila, “Huwag kang makialam, dayuhan! Sino kang magtuturo sa amin ng aming gagawin? Tumabi ka kung ayaw mong masaktan nang higit kaysa kanila!” Itinulak nila si Lot at tinangkang wasakin ang pinto. 10 Ngunit hinaltak siya ng kanyang mga panauhin, at isinara ang pinto. 11 Pagkatapos,(B) binulag nila ang mga tao sa labas kaya't hindi makita ng mga ito ang pinto.

Iniwan ni Lot ang Sodoma

12 Sinabi ng dalawang panauhin kay Lot, “Magmadali ka! Isama mong lahat ang iyong mga anak at iba pang kamag-anak na nakatira sa lunsod na ito. Umalis na kayo rito, 13 sapagkat gugunawin na namin ang lunsod na ito! Pinakinggan ni Yahweh ang mabibigat na sumbong laban sa mga taga-Sodoma at pinapunta kami ni Yahweh upang wasakin ang lunsod na ito.”

14 Kaya't pinuntahan ni Lot ang mga mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae at sinabi sa kanila, “Umalis na kayo agad sapagkat wawasakin ni Yahweh ang lunsod na ito.” Ngunit akala nila'y nagbibiro lamang si Lot.

15 Nang magbubukang-liwayway na, inapura ng mga anghel si Lot, “Magmadali ka! Umalis na kayo ng iyong asawa't mga anak nang hindi kayo madamay sa pagkawasak ng lunsod.” 16 Nag-aatubili(C) pa si Lot ngunit sa habag ni Yahweh, halos kaladkarin na sila ng mga lalaki palabas ng lunsod.

Read full chapter