Revised Common Lectionary (Complementary)
23 Gayunma'y ang langit sa itaas ay kanyang inutusan,
at ang mga pintuan ng langit ay kanyang binuksan;
24 at(A) kanyang pinaulanan sila ng manna na makakain,
at binigyan sila ng butil ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng mga anghel;
kanyang pinadalhan sila ng saganang pagkain.
26 Pinahihip niya ang hanging silangan sa kalangitan,
at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, pinarating niya ang hanging timugan.
27 Kanyang pinaulanan sila ng karne na parang alabok,
ng mga ibong may pakpak na parang buhangin sa mga dagat;
28 pinalagpak niya ang mga iyon sa gitna ng kanilang kampo,
sa palibot ng kanilang mga tinitirhan.
29 At sila'y kumain at nabusog na mainam,
sapagkat ibinigay niya sa kanila ang kanilang kinasasabikan.
33 Pinapagmadali ng mga Ehipcio ang taong-bayan, at madaliang pinaalis sila sa lupain, sapagkat kanilang sinabi, “Kaming lahat ay mamamatay.”
34 Kaya't dinala ng taong-bayan ang kanilang minasang harina bago ito nilagyan ng pampaalsa, na nakabalot pa ang kanilang mga pang-masa sa kani-kanilang damit at ipinasan sa kanilang mga balikat.
35 Ginawa(A) ng mga anak ni Israel ang ayon sa sinabi sa kanila ni Moises; sila'y humingi sa mga Ehipcio ng mga alahas na pilak, mga alahas na ginto, at mga damit.
36 Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio, kaya't ibinigay sa kanila ang anumang hingin nila. Kaya't kanilang sinamsaman ang mga Ehipcio.
Ang Pag-alis sa Ehipto
37 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Sucot, na may animnaraang libong lalaki na naglakad, bukod pa sa mga babae at mga bata.
38 Iba't ibang lahi, mga kawan, mga baka, at napakaraming hayop ang umahon ding kasama nila.
39 Kanilang niluto ang mga tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na kanilang dinala mula sa Ehipto. Ito ay hindi nilagyan ng pampaalsa, sapagkat sila'y itinaboy sa Ehipto at hindi na makapaghintay pa o makapaghanda man ng anumang pagkain para sa kanilang sarili.
40 Ang(B) panahon na nanirahan ang mga anak ni Israel sa Ehipto ay apatnaraan at tatlumpung taon.
41 Sa katapusan ng apatnaraan at tatlumpung taon, nang araw ding iyon, ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Ehipto.
42 Ito ay isang gabi ng pagbabantay ng Panginoon upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto; kaya't ang gabing iyon ay gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.
17 Ngayon, sa mga sumusunod na tagubilin ay hindi ko kayo pinupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti kundi para sa ikasasama.
18 Sapagkat una sa lahat, kapag nagkakatipon kayo sa iglesya, ay nababalitaan ko na mayroong mga pagkakahati-hati sa inyo, at pinaniniwalaan ko iyon nang bahagya.
19 Sapagkat kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi upang ang mga tunay sa inyo ay malantad.
20 Kapag kayo ay nagkakatipon, iyon ay hindi upang kainin ang hapunan ng Panginoon.
21 Sapagkat kapag dumating na ang panahon ng pagkain, ang bawat isa'y nauuna sa kanyang sariling hapunan at ang isa ay gutom, at ang iba'y lasing.
22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Kayo ba'y pupurihin ko? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001