Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 142

Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.

142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
    sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
    sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
    ang aking landas ay iyong nalalaman!

Sa daan na aking tinatahak
    sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
    walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
    walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
    ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
Pakinggan mo ang aking pagsamo,
    sapagkat ako'y dinalang napakababa.

Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
Ilabas mo ako sa bilangguan,
    upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
    sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.

Amos 5:1-9

Panawagan sa Pagsisisi

Pakinggan ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, O sambahayan ni Israel:

“Siya'y bumagsak na,
    hindi na siya babangon pa, ang birhen ng Israel;
siya'y itinakuwil sa kanyang lupain,
    walang magbangon sa kanya.”
Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Ang lunsod na lumabas na isang libo ay magkakaroon ng isandaang maiiwan,
at ang lumabas na isandaan ay magkakaroon ng sampung maiiwan,
    sa sambahayan ni Israel.”

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon sa sambahayan ni Israel,
“Hanapin ninyo ako, at kayo'y mabubuhay;
    ngunit huwag ninyong hanapin ang Bethel,
at huwag pumasok sa Gilgal,
    ni dumaan sa Beer-seba;
sapagkat ang Gilgal ay tiyak na patungo sa pagkabihag,
    at ang Bethel ay mauuwi sa wala.

Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mabubuhay;
    baka siya'y magsiklab na parang apoy sa sambahayan ni Jose,
    at lalamunin nito ang Bethel, at walang makakapatay niyon.
O kayo na ginagawa ninyong mapait na kahoy ang katarungan,
    at inihahagis sa lupa ang katuwiran!

Siya(A) na lumikha ng Pleyades at Orion,
    at ang gabing malalim ay ginagawang umaga,
    at pinadidilim ang araw upang maging gabi,
na tinatawag ang mga tubig ng dagat,
    at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa
ang Panginoon ang kanyang pangalan;
siya ang nagdadala ng biglang pagkawasak laban sa malakas,
    anupa't ang pagkawasak ay dumarating sa tanggulan.

Mga Gawa 21:27-39

Dinakip si Pablo

27 Nang halos matapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga-Asia, nang makita siya sa templo, ay inudyukan ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip,

28 na isinisigaw, “Mga lalaking taga-Israel, tumulong kayo! Ito ang taong nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa sambayanan, sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa rito'y nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo, at dinungisan ang banal na lugar na ito.”

29 Sapagkat(A) nakita nila noong una na kasama niya sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso, at iniisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.

30 At ang buong lunsod ay nagkagulo at ang mga tao'y sama-samang nagtakbuhan. Kanilang hinuli si Pablo, siya'y kinaladkad palabas sa templo at agad isinara ang mga pinto.

31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, dumating ang balita sa pinunong kapitan ng mga kawal na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo.

32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturion, at tumakbo sa kanila. Nang kanilang makita ang pinunong kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo.

33 Pagkatapos nito, lumapit ang pinunong kapitan, dinakip siya at ipinagapos ng dalawang tanikala. Itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.

34 Ang ilan sa maraming tao ay sumigaw ng isang bagay, ang ilan ay iba naman; at nang hindi niya maunawaan ang totoong nangyari dahil sa kaguluhan, ay iniutos niyang dalhin siya sa himpilan.

35 Nang dumating si Pablo[a] sa hagdanan, siya'y binuhat na ng mga kawal dahil sa karahasan ng napakaraming tao.

36 Ang maraming tao na sumunod sa kanya ay patuloy na sumisigaw, “Alisin siya!”

Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili

37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, ay sinabi niya sa pinunong kapitan, “Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?”

At sinabi ng pinunong kapitan,[b] “Marunong ka ba ng Griyego?

38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipcio, na nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?”

39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, na taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng isang hindi karaniwang lunsod. Nakikiusap ako, pahintulutan mo akong magsalita sa mga taong-bayan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001